|
||||||||
|
||
Pangulo ng Asian Development Bank, dumalaw sa Tacloban
SA likod ng matinding pinsala at kawalan, nakikita rin ang kakaibang tatag at kakayahang makabangon ng mga biktima ng bagyong "Yolanda" noong nakalipas na Nobyemre.
Ito ang pahayag ni Pangulong Takehiko Takao ng Asian Development Bank sa kanyang pagdalaw sa Tacloban City kanina. Nangangako ang pangrehiyong bangko na tutulungan ang pamahalaang Aquino sa reconstruction at promosyon ng pagpapanibagong-buhay ng mga biktima.
Dumalaw siya sa Bislig Elementary School may 20 kilometro sa Tacloban na sakop ng bayan ng Tanauan. Mahalaga umanong magtayo ng mga komunidad na makakatugon sa anumang trahedya.
Kasabay ng kanyang pagdalaw sa Tacloban, pinasinayaan din ang tanggapan ng Asian Development Bank sa pook na siyang makikipagtulungan at magmamasid sa paggalaw ng pondo. Magpapayo rin sila sa mga pamahalaang lokal sa pamamagitan ng paglalaan ng technical back-up sa mga proyekto.
Sa araw na ito, nakapasa na sa Asian Development Bank ang US$ 900 milyon para sa madaliang recovery efforts at sa matagalang reconstruction at rehabilitation. Kabilang na rito ang $3 milyon bilang emergency assistance, $ 20 milyon mula sa Japan Fund for Poverty Reduction, $ 372 milyon pautang at $ 500 milyong pautang para sa budget support na unang nagastos sa relief at recovery efforts.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |