Kapag sinabing migrant worker, ano ang pumapasok sa isip ninyo? Sa tingin ko, marami ang sasagot ng OFW, hindi po ba? Para sa ating mga Pilipino, isa iyan sa mga tawag sa mga kababayang nakikipagsapalaran sa ibang bayan upang maghanap ng magandang kapalaran. Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang sa 9.5 milyon ang mga OFW sa ibat-ibang bansa sa mundo, at ang kanilang mga padala ang pinagmumulan ng humigit-kumulang sa 13% ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas. Kaya, kung kayo po ay OFW, isa po kayo sa dahilan kung bakit patuloy na umuunlad ang ekonomiya ng Pilipinas. Maging kayo man ay driver, cook, maid, teacher, engineer, manager ng hotel, o mamamahayag na tulad ng inyong lingkod, dapat po ninyong ipagmalaki iyan. Dahil sa inyong pagpupunyagi, nakikinabang ang ating bayang Pilipinas.
Pero, alam po ba ninyo, dito sa Tsina, kapag sinabing migrant worker, hindi po nangangahulugang mga Tsino na nagtatrabaho sa ibayong-dagat; kundi, mga Tsinong mula sa malalayong probinsya, na nagtatrabaho at nakikipagsapalaran sa malalaking lunsod na tulad ng Beijing, Shanghai, at Guangzhou. Dahil sa malaking pagkakaiba sa kalidad ng pamumuhay sa mga nayon at malalaking lunsod ng Tsina, at dahil na rin sa alindog ng pagkakaroon ng masaganang kinabukasan sa mga lunsod na ito, maraming mga Tsino ang pinipiling magpunta sa mga syudad at iwanan ang pagsasaka at tradisyonal na pamumuhay ng Tsina. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mabilis na lumalaki ang populasyon sa mga lunsod, na nagdudulot ng maraming problemang gaya ng paglala ng polusyon; pagtaas ng bilang ng krimen; pagkakaroon ng di-pantay na akses sa edukasyon, social security, at iba pang social safety net; pagsisiksikan, at marami pang iba.
Kapag ang isang migrant worker ay nagpunta sa lunsod, minsan ay isinasama na rin niya ang kanyang pamilya - ibig sabihin, ang kanyang asawa at mga anak. Pero, dahil po sa "hukou system" ng Tsina --- ito po iyong katumbas ng ating sedula, pero, ito ay mas detalyado at pinanggagalingan ng maraming benepisyo: dahil sa "hukou system" hindi nagiging pantay ang akses sa trabaho at edukasyon ng mga pamilya ng mga migrante. Ayon sa sistemang ito, iyong mga rehistradong residente lamang ng isang lunsod ang magtatamo ng mga benepisyong tulad ng mura o libreng dekalibreng edukasyon, murang serbisyong medikal, akses sa magandang oportunidad sa trabaho, at marami pang iba. Halimbawa, dito sa Beijing, kung hindi ka rehistradong residente, mahihirapan kang humanap ng matinong paaralan para sa iyong mga anak, at kung ikaw naman ay palaring makahanap ng paaralan at makagraduweyt, hindi pa rin madali para sa iyo ang maghanap ng trabaho. Kaya naman, nitong ilang taong nakalipas, isa na ang isyung ito sa mga problemang pinagtutuunan ng pansin at nireresolba ng pamahalaang Tsino. Sa nakaraang Sesyong Plenaryo ng Ika-18 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, isa sa mga pinag-usapan at pinagdebatehan ang paraan kung paano magkaroon ng social safety net ang lahat ng Tsino. Pagkatapos ng nasabing sesyon, ilang mga importanteng desisyon para sa pagtugon sa isyung ito ang nabuo, at nakapaloob ang mga ito sa komunikeng ipinalabas pagkatapos ng nasabing sesyon.
1 2