|
||||||||
|
||
Mga banyagang dumalaw sa Pilipinas, nadagdagan; Tsina, pang-apat
NANGUNA ang mga turistang mula sa South Korea na dumalaw sa Pilipinas noong 2013. Pumangalawa naman ang mga Americano samantalang pang-apat ang mga turistang Tsino.
Ayon sa pahayag ni Tourism Secretary Ramon R. Jimenez, Jr. na nalathala sa website ng Pamahalaan ng Pilipinas, umabot sa 4,681,307 ang mga turistang dumalaw sa bansa na kinakitaan ng pag-angat ng 9.56% sa datos noong 2012.
Pinakamaraming turista ang dumating noong Pebrero (15.8%), pumangalawa ang Hunyo (14.0%) at pangatlo ang Agosto (13.0%). Higit naman sa 400,000 turista ang dumating sa mga buwan ng Enero, Pebrero, Marso, Hulyo at Disyembre.
Mga taga-South Korea ang nanguna at may 24.9% sa pagkakaroon ng 1.17 milyon ang kanilang nai-ambag. Pangawala naman ang mga Amerikano na nagkaroon ng 674,564 arrivals na umabot sa 14.4%. Pangatlo naman ang mga turistang Hapones na nagkaroon ng 433,705 arrivals. Ang mga Tsinong dumalaw sa Pilipinas ay 426,352 katao samantalang mayroong 213,023 na nagmula sa Australia.
Ayon sa pahayag ng Department of Tourism, ang mga dumating na Tsino ay lumago mula sa 5.9% noong 2012 at natamo ang 9.1% noong 2013. Ang mga Tsino ay nagkaroon ng pinakamataas na year-end growth rate na 69.9% sa pagkakaroon ng 426,352 arrivals.
Kabilang sa mga nangunang bansang pinagmulan ng mga turista ay ang Singapore, Taiwan, Canada, Hong Kong, United Kingdom, Malaysia at Germany.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |