|
||||||||
|
||
20140225MeloReport
|
SINABI ni Ginoong Zhang Hua, tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas na mayroong "indisputable sovereignty" ang kanyang bansa sa South China Sea at mga kalapit na karagatan na kinabibilangan ng Huangyan Island.
Sa isang pahayag na ipinadala sa CBCPOnline Radio, sinabi ni G. Zhang na nagpapatrolya lamang ang mga sasakayang-dagat ng Tsina sa nasasakupan ng kanilang bansa.
Hindi katanggap-tanggap sa Tsina ang protesta ng Pilipinas. Nanawagan siya sa panig ng Pilipinas na makipagtulungan sa Tsina upang malutas ang 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng "bilateral consultations" at negosasyon.
Ito ang reaksyon ni G. Zhang sa pahayag na inilabas ni Foreign Affairs Assistant Secretary Raul S. Hernandez sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag kanina.
IPINATAWAG NG KAGAWARAN NG UGNAYANG PANGLABAS ANG CHARGÈ D' AFFAIRES NG TSINA. Ito ang ibinalita ni Asst. Secretary Raul Hernandez sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag kanina. Nagprotesta ang Pilipinas sa paggamit ng water cannons ng Tsina sa dalawang bangkang pangisda noong Enero. (Melo M. Acuna)
Ayon sa tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, ipinatawag nila kanina ang Chargé d' Affairs ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas upang magprotesta sa pagtatangka ng Tsina na pagbawalan ang mga Pilipinong mangingisda sa kanilang paghahanapbuhay sa Bajo de Masinloc.
Sa pahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas, sakop ng bansa ang bahaging ito ng South China Sea.
Idinagdag pa niya na ang mga bangkang pangisda ng Pilipinas ay patuloy na namamalakaya ng payapa sa Bajo de Masinloc. Panggigipit umano ang ginawa ng mga sasakyang-dagat ng Chinese Coast Guard sa dalawa sa 14 na bangkang panisda naroon sa batuhang kilala rin sa pangalang Scarborough Shoal.
Kinondena rin ng Pilipinas ang pagbabawal sa mga bangkang pangisda na magkanlong sa Scarborough Shoal sa bawat pagsapit ng masamang panahon.
Ayon sa pahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, dalawang bangkang pangisda ang ginipit ng China Coast Guard vessel na may bow number 3063 noong ika-27 ng Enero, 2014. Patuloy umanong ginamitan ng serena ang mga bangkang pangisda at di nagtagal ay ginamitan ng water cannon ang mga mangingisda sa loob ng ilang minuto.
Idinagdag pa ni G. Hernandez na nakatanggap na sila ng siyam na insidente ng panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino sa kamay ng Chinese civilian maritime law enforcement agency.
Sinabi naman ni G. Tan Ching, ang Honorary President ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., na sa likod ng mga maaanghang na pahayag ng mga Tsino at Pilipino, tuloy pa rin ang kalakal at magandang "people-to-people relations" sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ang mga 'di pagkakaunawaan ay ipapaubaya na nilang mga Tsinoy sa mga diplomata sapagkat sila'y naniniwalang malalim ang pagkakaibigan ng dalawang bansa na subok na ng panahon.
Maganda umano ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas at tuloy pa rin ang mga pagdalaw ng mga Tsino sa Pilipinas at ng mga Pilipinong may dugong Tsino sa Tsina, dagdag pa ni G. Tan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |