|
||||||||
|
||
KAHIT pa may regular na pasok ang mga tanggapan at tanging mga paaralan lamang ang walang klase, nanawagan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga Pilipino na manatiling nagkakaisa sa likod ng serye ng mga trahedya ng kinaharap ng bansa noong nakalipas na taon.
Makakaya ng madla sa tulong ng Panginoong Maykapal ang mga pagsubok, dagdag pa ni G. Aquino sa kanyang talumpati sa harap ng mga Cebuano kaninang ika-siyam ng umaga.
Malaking tulong ang buod ng bayanihan sa mga nasalanta ng magkakasunod na trahedya. Nagpasalamat din siya sa mga lumahok sa EdSA People Power 1 na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Nahaharap pa rin sa matinding pagsubok ang mga Pilipinong nasalanta ng trahedya noong nakalipas na taon.
Ginunita ang pagtitipon ng mga mamamayang sumuporta kina dating Defense Minister Juan Ponce Enrile at dating PC/INP Chief Fidel V. Ramos. Nagwakas ang apat na araw na pag-aaklas sa panunungkulan ni Pangulong Corazon C. Aquino.
Sa sumunod na panayam matapos ang kanyang talumpati sa Cebu, sinabi ni Pangulong Aquino na hindi lamang sa Maynila nag-aklas ang mga Pilipino sapagkat nagkaroon din ng mga pagkilos sa Cebu at Davao cities at iba pang mga pook. Marapat lamang, ani Pangulong Aquino na kilalanin din ang mga pook na ito.
Sa likod ng mga pahayag na ito, naipon din ang may ilang daang katao sa People Power Monument sa EdSA sa pamumuno ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay at ilang mga sumuporta sa malawakang pagkilos noong 1986.
Sa panayam kay dating Vice President Teofisto Guingona, Jr., sinabi niyang hindi nararapat limutin ang EdSA People Power 1 sapagkat nakamtan ang kalayaan mula sa diktadurya. Nagkataon nga lamang na nahaharap sa mga problemang panglipunan ang bansa tulad ng kawalan ng hanapbuhay, katiwalian at kahirapan.
Naniniwala rin si G. Jose Concepcion, Jr., isa sa mga nagtaguyod ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) noong dekada otsenta na nararapat tumugon ang pamahalaan sa pangangailangan ng mga mamamayan. Hindi kailanman nararapat maging malayo sa taongbayan ang pamahalaan.
Makikipag-usap umano siya kay Pangulong Aquino sa mga susunod na araw upang alamin kung anong paraan magkakatulungan ang mga mamamayan at ang kanyang pamahalaan.
Sa panig ni dating Gobernador Roberto Pagdanganan, nakalulungkot mabatid na mayroong mga kwentong nakararating sa kanya na mas talamak ang katiwalian tulad ng smuggling.
Para kay Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay, hindi nararapat mawalan ng pag-asa ang mga mamamyan sa paglaban sa katiwalian.
Sa kanyang talumpati sa Edsa People Power Monument, sinabi ni G. Binay na ang mahalaga ay alam at inaasam-asam pa rin ng mga lumahok sa EdSA ang mga adhikain ng karamihan. Mahalagang gunitain ito sapagkat mababatid ng mga nakababata ang kahalagahan ng pagsasakripisyo ng sambayanan upang makamtan ang kaunlaran at kalayaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |