|
||||||||
|
||
melo
|
SA likod ng mga balitang umabot sa 6,200 katao ang naitalang nasawi sa paghagupit ni "Yolanda" noong ika-walo ng Nobyembre, matapos ang higit sa 100 araw, sa paglilinis sa binagyong lugar ay may mga bangkay pa ring natatagpuan.
Ito ang pahayag ng dumadalaw na opisyal ng United Nations na humarap sa mga mamamahayag kanina.
MAY MGA BANGKAY PANG NATATAGPUAN SA PAGLILINIS SA BINAGYONG POOK. Ito ang nasaksihan ni United Nations Under-Secretary-General for Humanitarian Affairs and Emergency Relief Coordinator Valerie Amos sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag kanina. Sa ikatlong pagkakataon, dumalaw si Bb. Amos sa Tacloban City at maging sa Guiuan, Eastern Samar kahapon. (Melo M. Acuna)
Ibinalita ni Bb. Valerie Amos, United Nations Under-Secretary-General for Humanitarian Affairs and Emergency Relief Coordinator na nakabalik na ang kalakal sa Silangang Kabisayaan at pumasok na muli ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, at nakikita ang katatagan ng mga Pilipino sa likod ng matinding trahedyang tumama noong Nobyembre. Nalilinis na ang kapaligiran at may mga tao na sa mga pamilihan. Nakakapangisda na ang mga kalalakihan.
Ikatlong ulit na ang kanyang pagdalaw sa Pilipinas mula noong Nobyembre 8 at dumalaw siyang muli sa Guiuan, Eastern Samar at Tacloban City sa Leyte kahapon.
Milyon pa ring mga Pilipino ang nangangailangan ng tulong upang makabalik sa normal ang kanilang buhay at matiyak na ang anumang natamong biyaya ay 'di na masasayang pa. Maraming mga mamamayang napinsala ang ngayon pa lamang nagsisimulang makabawi.
Sa susunod na siyam na buwan, ang United Nations at mga kabalikat nito ang magtutuon ng pansin sa pabahay at maging sa kabuhayan. Bibigyan din ang mga namimiligrong mga mamamayan ng tinaguriang "life-saving assistance" at kaakibat na "protection services."
Ayon kay Bb. Amos, kinailangang ilikas na muli ang mga taong nanirahan sa mga tolda at iba pang pansamantalang pabahay na napinsalang muli ng dumaan ang dalawang sama ng panahon kamakailan. Kailangan talaga ang matagalan at maasahang solusyon para sa mga apektadong pamilya.
Nangangailangan din ng tulong ang sektor ng pagsasaka sapagkat may isang milyong magsasaka ang naapektuhan sa Silangang Kabisayaan. May 33 milyong puno ng niyog ang napinsala ng bagyo. May 10 milyong puno pa ng niyog ang napinsala sa iba pang bahagi ng bansang dinaanan ni "Yolanda."
Nakausap din ni Bb. Amos si Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery Kalihim Panfilo M. Lacson bago siya humarap sa mga mamamahayag. Hindi nila napag-usapan ang "casualty report" sa kanilang almusal kanina.
Magpapatuloy ang pagtulong ng pamahalaan sa mga napinsala ni "Yolanda" sa pamamagitan ng Recovery Assistance Plan. Idinagdag pa ng opisyal ng United Nations na suportado nila ang mga biktima ni "Yolanda" sa ilalim ng Strategic Response Plan partikular sa dalawang bahagi, ang humanitarian relief at ang early recovery na tatagal ng 12 buwan.
Sa kanilang target na US$ 788 milyon, umabot na sa 46% ang napondohan. Nararapat lamang maiwasan ang pagkakaroon ng mga epidemia sapagkat nabalita na ang 50 kaso ng dengue sa unang dalawang buwan ng 2014.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |