|
||||||||
|
||
Human trafficking, suliranin pa rin
NAKAGIGIMBAL ang mga nagaganap sa mga buong daigdig at maging sa Pilipinas kung human trafficking at pang-aalipin ang pag-uusapan.
Ito ang binigyang-diin ni Arsobispo Jose Advincula, Arsobispo ng Capiz at Chairman ng CBCP Office on Women sa pagsisimula ng dalawang araw na pagpupulong tungkol sa kontrobersyal na isyu ng lipunan.
Dumarating umano ang panahon na gustuhin mo lang tumulong ay wala kang magawa samantalang patuloy na dumarami ang mga nabibiktima ng mga masasamang-loob.
Kahit pa mayroong Universal Declaration of Human Rights at mga kasunduan laban sa human trafficking at mahihigpit na batas sa Pilipinas, patuloy pa ring nagaganap ang mga panggigipit. Idinagdag pa ni Arsobispo Advincula na malayo pa ang Pilipinas sa pagpigil sa karumal-dumal na krimen.
Ayon umano sa Global Slavery Index, mayroong halos 30 milyong biktima ng pang-aalipin samantalang mayroong 140 hanggang 160,000 mga Pilipino ang nabibiktima. Mayroon din umanong hanggang 100,000 mga kabataang Pilipino na biktima ng sexual abuse.
Lumalala ang problema at hindi na kailangang magbulag-bulagan pa. Kabilang ang Pilipinas sa top ten cybersex hotspots sa daigdig. Mga bata ang karaniwang biktima. Nagsabwatan pa umano ang ilang opisyal ng pamahalaan at recruitment agencies sa pang-aabuso at panggigipit sa mga Pilipino sa Kuwait.
Sa Pilipinas ay nangangalap ang illegal recruiters ng mga mabibiktima mula sa mga pook ng pinangyarihan ng trahedya, katatagpuan ng mahihirap, mga kababaihan at mga bata.
Isa umanong kasalangang panglipunan ang human trafficking sapagkat may mga manggagwa sa mga 'di makataong hanapbuhay, sa mga pabrika at mga bodega, mga nagbibili ng aliw, mga batang namamalimos sa lansangan at mga walang kaukulang papeles na mga manggagawa. Hindi na produkto ang kinakalakal sapagkat mga tao na ang ipinagbibili.
Mahalaga ang pagtutulungan upang masugpo ang krimeng laban sa sangkatauhan. Sa dalawang araw na pagpupulong, nais nilang masuri ang nagaganap sa bansa upang matugunan ang mga pangyayaring ito, dagdag pa ni Arsobispo Advincula.
MAGTULUNGAN TAYO UPANG MAPIGIL ANG HUMAN TRAFFICKING. Nanawagan si Arsobispo Jose Advincula ng Capiz at Chairman ng CBCP Office on Women sa madla na magtulungan upang masugpo ang human trafficking sa bansa. Siya ang isa sa panauhing pandangal sa dalawang araw na pagtitipon. (Melo M. Acuna)
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |