|
||||||||
|
||
melomar04.m4a
|
Ayon sa pahayag ni Kalihim Albert F. Del Rosario, pinayuhan na ang mga Filipino sa Ukraine na huwag na munang maglalabas ng tahanan kung hindi kailangan, iwasan ang matataong pook, makinig ng radyo at manood ng mga balita sa telebisyon at maghanda sa posibleng paglikas.
Ipinarating ng Pilipinas ang marubdob na pagkabahala sa mga nagaganap sa Ukraine at nanawagan sa lahat ng mga tao at bansang sangkot sa mga pangyayari na manatiling mahinahon at huwag nang dagdagan pa ang tensyon sa pamamagitan ng paggamit ng dahas at manatiling sumusunod sa mga itinatadhana ng international law.
Nanawagan din ang Pilipinas sa lahat ng panig na lutasin ang 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-uusap.
Ayon kay Assistant Secretary Raul S. Hernandez, tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, ang mga manggagawang Pilipino ay nasa Kiev at mga kalapit pook at may layong higit sa 800 kilometro mula sa Crimean peninsula sa Ukraine. Ayon sa mga panayam sa mga manggagawang Pilipino sa Kiev at ayon na rin sa datos ng Embahada ng Pilipinas sa Moscow, walang nabalitang mga Pilipino sa Crimea.
Idinagdag pa ni G. Hernandez na tinatayang mayroong 70 mga Pilipino sa Ukraine.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |