|
||||||||
|
||
Simbahan sa Sulu at Tawi-Tawi, nahaharap sa hamon
Sinabi ni Bishop Angelito Lampon, OMI, obispo ng Jolo na nangangamba sila sa halos sunod-sunod na kidnapping sa kanilang pook. Kailangang magtulungan ang Simbahan, pamahalaang lokal, pulisya at mga Philippine Marines upang maiwasan ang higit na kaguluhan, dagdag pa ng obispo. (Melo M. Acuna)
MARAMING hamong hinaharap ang Simbahang Katolika sa Apostolic Vicariate ng Jolo. Sa isang panayam, sinabi ni Bishop Angelito R. Lampon, OMI, nababahala sila sa sunod-sunod na kidnapping na nagaganap sa kanilang pook.
Mga hindi pa kilalang kalalakihan ang dumukot sa dalawang Muslim ng babae, mga siyam at 11 taong gulang kahapon samantalang patungo sa Notre Dame de Jolo School for Girls. Nababagabag si Bishop Lampon sapagkat kahit mga Muslim ay nabibiktima na rin ng kidnap-for-ransom gangs.
Sa kanilang mga pagpupulong sa Sulu Provincial Peace and Order Council, nababanggit ang 16 kataong dinukot at nabibimbin sa isang bayan ng Sulu. Mayroon umanong nadukot mga dalawang taon na ang nakalilipas tulad ng mga banyagang bird watcher.
Nabatid na mayroong mag-asawang dinukot noong nakalipas na ika-16 ng Pebrero.
Kailangang magtulungan ang Simbahan, Pamahalaang Lokal, mga pulis at mga kabilang sa Philippine Marines upang maibalik ang kapayapaan sa Jolo at mga kalapit pook.
Nababahala din umano siya sa kanyang kalagayan sa Jolo sapagkat ang pinalitan niyang obispo, si Bishop Benjamin de Jesus ay binaril at napatay sa labas ng Katedral ng Birhen ng Carmelo noong 1997. Dalawang Oblate Missionaries ang napaslang sa hiwalay na insidente noong 2000 at 2008.
Sa likod ng mga pangyayaring ito, magdiriwang ang kanilang kongregasyon ng Diamond Jubilee sa darating na Setyembre sa paggunita sa unang pagdating ng mga misyonerong kabilang sa Oblates of Mary Immaculate sa Jolo may 75 taon na ang nakalilipas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |