|
||||||||
|
||
melo
|
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa C. Guinigundo, higit sa isang bilyon ang mga mamamayan ng India kaya't mas maraming Bumbay na natatagpuan sa Gitnang Silangan. Mapapadagdag pa ang mga mula sa Bangladesh at Pakistan. Mas malapit ang kanilang mga bansa sa Gitnang Silangan kaya't mas marami sila sa mga Pilipino.
Nararapat na umanong palitan ang taguring Overseas Filipino Workers sapagkat hindi naman lahat ng nagpapadala ng salapi sa Pilipinas ay contract workers. Marami na ring mga Pilipinong permanent residents ng Italia, Inglatera at maging Canada at Estados Unidos.
Sa pagbabalik ng sigla ng ekonomiya sa Europa at Estados Unidos, magkakaroon ng mas mataas na demand para sa mga manggagawang Pilipino sapagkat mas maraming kalakal na naman ang magbubukas. May posibilidad ring bumalik sa Pilipinas ang mga kumpanyang pansamantalang nagsara ng kalakal sa bansa.
Bagaman, ipinaliwanag ni G. Guinigundo na sa oras na gumanda ang ekonomiya ng America, tataas ang interest rates at makakasabay ang pagbaba ng exchange rate. Sa mga may-utang magkakaroon ng re-pricing sa kanilang pabahay sa bawat limang taon at maaaring tumaas o bumaba ang interest rates.
Sa pagbabalik-sigla ng ekonomiya ng America, lalawak din ang pamilihan para sa exports ng Piipinas. Magkakaroon din ng pangangailangan sa mga propesyunal tulad ng narses.
Matagal nang ipinatutupad ang "Saudization" ng mga paggawa sa Saudi Arabia sa halos nakalipas na 20 taon at 80% na ang tumupad subalit kailangan pa nila ang mga highly-skilled na mga manggagawa tulad ng mga enhinyero, arkitekto, manggagamot at iba pa.
Saan ba natutungo ang ipinadadalang salapi ng mga Pilipinong nasa labas ng bansa? Sinabi ni G. Guinigundo na mayroon silang ginawang pag-aaral at nabatid na prayoridad ang pagkain, gamot at pagbabayad ng utang sapagkat karamihan sa mga umalis ng bansa ang nagsangla ng lupa at nagbili ng kalabaw. Prayoridad rin ang pag-aaral ng mga anak at ang iba'y papasok sa pagkakalakal.
Inihalimbawa ni G. Guinigundo na mayroong mga bumibili ng van na pinauupahan at nagiging self-liquidating. Hindi gasinong prayoridad ang pagkakaroon ng bahay sapagkat basic needs ang inuuna ng mga Pilipinong na sa ibang bansa.
Maaari silang maglagak ng salapi sa tinaguriang alternative investments tulad ng pag-iimpok sa bangko, pagbili ng government bonds, pagpasok sa equities at maging sa mutual funds.
Kumilos na rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas upang maibaba ang remittance fees sapagkat kailangang maglagay ng notisya sa bangko kung gaano ang sisingilin sa kada transaksyon sa pagpapadala ng salapi sa Pilipinas. May kompetisyon na ang iba't ibang bangko na may mga sangay sa iba't ibang bansa.
Idinagdag pa ni G. Guinigundo na naghahanap ang mga Pilipino ng pinakamurang pagpapadalhan ng salapi at natamo ito sa pamamagitan ng transparency.
Nabawasan na rin ang singil na P 150 hanggang P550 sa bawat transaksyong dadaan sa door-to-door service sa pagkakaroon ng real time gross settlement system. Ngayon ay tanging P50.00 na lamang ang singil sa door-to-door services, dagdag pa ng opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |