|
||||||||
|
||
Pangulong Aquino, nagpaliwanag sa mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa bagyong "Yolanda"
MATAPOS ang apat na buwan, inamin ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na naging mabagal ang pagtugon ng pamahalaan sa mga binagyo noong Nobyembre.
Sa isang open forum sa Hope Christian High School sa Maynila matapos ang kanyang talumpati, tinanong ni Zar Agustin Yu na mula sa Sacred Heart School sa Tacloban City kung bakit tumagal ng tatlong araw bago natulungan ang mga biktima.
Anang pangulo, humihingi siya ng paumanhin kung hindi sila nakatugon kaagad. Si Yu ang isa sa 200 mga mag-aaral sa Tacloban City na ngayo'y pumapasok sa Hope Christian High School. Ayon sa mga balitang lumabas sa media, dumalaw si Pangulong Aquino sa paaralan matapos makatanggap ng mga liham mula sa mga mag-aaral na nababahala sa kalagayan ng kanilang mga kababayan.
Idinagdag pa ni Pangulong Aquino na hindi sana nagtagal ang tulong subalit lubhang mapaminsala si "Yolanda" na humagupit sa may apat na milyong pamilya mula sa 44 na lalawigan. Hindi kailanman naranasan ng bansa ang lakas ng bagyo, dagdag pa niya.
Hindi rin umano nadama ang pakikipagtulungan mula sa pamahalaang lokal. Pinasisiyasat na ni Pangulong Aquino ang mga pulis sapagkat 20 lamang ang nadatnan niyang naglilingkod.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |