|
||||||||
|
||
Arsobispo Villegas: Igalang ang Korte Suprema
NANAWAGAN si Arsobispo Socrates B. Villegas, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga Katoliko na panatiliin ang paggalang sa Korte Suprema ng Pilipinas. Sa kanyang pahayag na inilabas Martes ng hapon, nagdesisyon na ang Korte Suprema sa isyu ng Reproductive Health ayon sa mga batas ng Pilipinas.
Nararapat lamang na ipagpatuloy ng Simbahan ang pagpapahalaga sa buhay ng tao, ituro ang dignidad ng tao at ipagsanggalang ang buhay ng bawat mamamayan mula sa paglilihi hanggang sa kanyang kamatayan.
Idinagdag pa ng arsobispo, kahit na umano sinabi ng Korte Suprema na hindi taliwas ang Reproductive Health Law sa saligang batas, lumamya ang batas at kinilala ang kahalagahan ng pagkakaroon ng "informed religious conscience" kahit sa mga manggagawa ng pamahalaan. Nanindigan ang Korte Suprema sa panig ng mga karapatan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak.
Bagama't hindi magiging malapit na magkakaibigan ang mga taga-Simbahan at mga nagtataguyod ng Reproductive Health, magkakasama-sama rin ang magkabilang panig para sa kabutihan ng bansa at mamamayan.
Ayon kay Arsobispo Villegas, sa panig ng Simbahan, magpapatuloy itong magturo kung ano ang tama at moral. Ipagpapatuloy pa rin ang pagpapahayag ng kagandahan at kabanalan ng bawat tao. Sa nakalipas na 2,000 taon, nanatili ang Simbahan sa mga panahon ng pagmamalupit, mga diktador, digmaan at mga pag-aaklas. Magpapatuloy ang misyon ng Simbahan kahit mayroong mga hindi makatarungang mga batas.
Nanawagan siya sa balana na kumilos mula sa pagiging RH-law-reactionary-group ay maging isang "Spirit empowered disciples" ng Mabuting Balita ng pagmamahal at pag-ibig.
"We have a positive message to proclaim," dagdag pa ni Arsobispo Villegas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |