|
||||||||
|
||
melo/20140728.m4a
|
NANINDIGAN si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ang mga tumutuligsa sa kanyang liderato ay mga taong ayaw ng pagbabago at mga taong nakinabang sa maling kalakaran. Kabilang din sa mga tumutuligsa sa kanya ang mga taong ang tanging hangad ay ibagsak ang kanyang pamahalaan. Bagama't hindi pinangalanan, pinatutungkulan niya ang mga kabilang sa New People's Army na dati na nilang kausap sa pamamagitan ng peace negotiations.
Sa kanyang pinakamahabang talumpati mula ng maluklok noong 2010, binanggit niyang abot-kamay na ang kapayapaan sa Mindanao bagama't walang anumang binanggit sa Bangsamoro Basic Law na unang nabalitang ibibigay sa Kongreso ngayong araw na ito.
Binanggit din ni Pangulong Aquino ang mga kagamitang binili, binibili at bibilhin upang magkaroon ng magagandang kagamitan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Binanggit din niya ang pagkakaroon ng one firearm to one policeman ratio.
Maganda rin ang takbo ng ekonomiya dahilan sa magagandang ratings na inilabas ng Moodys, Standard and Poor at maging Fitch rating agencies.
Pinag-iibayo umano ng kanyang pamahalaang matugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga out-of-school youth sa TESDA, alternative learning sa pamamagitan ng Department of Education at Conditional Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development.
Ibinalita ni Pangulong Aquino ang serye ng mga trahedyang kinaharap ng bansa mula sa Zamboanga siege noong Setyembre, ang lindol sa Bohol at Cebu at ang bagyong Yolanda na nakaapekto sa maraming mga lalawigan. Kapuri-puri umano ang naging tugon ng kanyang administrasyon na dumalo sa mga biktima ni "Yolanda."
Pinasalamatan din niya ang iba't ibang bansa at ahensyang tumulong at 'di umano ito malilimutan ng bansa at mga mamamayan. Walang binanggit si Pangulong Aquino hinggil sa mga nasawi sa trahedyang idinulot ni "Yolanda."
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |