|
||||||||
|
||
Paglilikas ng mga Filipino mula sa Libya, tuloy pa; Panghahalay sa isang Filipina, kumpirmado
WALANG katotohanang nahinto ang paglilikas ng mga Filipino mula sa Libya. Tuloy-tuloy ito sa ilalim ng Crisis Alert Level 4 na nangangahulugan ng mandatory repatriation.
Ang repatriation team ay pinamumunuan ni Adelio Angelito Cruz, ang Chargé dAffaires ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli. Siya rin ang leader ng Rapid Response Team.
Tuloy ang paglilingkod ng Department of Foreign Affairs upang maipagtanggol ang mga Filipino sa Libya sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga kawani at kasapi ng Rapid Response Team sa likod ng krisis na nagaganap doon.
Ayon kay Asst. Secretary Charles Jose, nananawagan sila sa mga nalalabing mga Filipino sa Libya na makipagbalitaan at magpatala kaagad sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli upang madali ang paglilikas sa kanila.
Dapat tumawag sila sa 00218 918244208 at 914370399 at 945348481 at email sa pamamagitan ng tripoli.pe@gmail.com at tripoli.pe@dfa.gov.ph Matatagpuan ang embahada sa KM 7 Gargaresh Road, Abu Nawas, PO Box 12508, Tripoli.
Maaaring makipagbalitaan ang mga kamag-anak sa Pilipinas sa 24-hour hotline na 02-5527105 at 02-8344685 upang ipatala ang kanilang mahal sa buhay sa Libya. Makapagpapadala sila ng email sa oumwa@dfa.gov.ph
Pinatotohanan ng Department of Foreign Affairs ang pagdukot at panghahalay sa isang Filipina sa Libya. Ito ang dahilan kaya't nanawagan silang muli sa mga Filipino sa magulong bansa na sumailalim na sa repatriation.
Ayon kay Asst. Sec. Charles Jose, dinukot ang nurse na Filipina kahapon ng umaga, oras sa Tripoli, sa harap ng kanyang tahanan ng apat na kabataan at dinala kung saan. Matapos ang dalawang oras, pinalaya siya matapos halayin ng anim na kabataang taga-Libya.
Dinala siya ng Philippine Embassy consular team sa pagamutan upang mabatid ang kanyang kalagayan. Inaalagaan na siya ng mga tauhan ng embahada.
Mayroon umanong 13,000 mga Filipino sa Libya at pinakiusapan nang sumailalim ng repatriation.
Noong Martes, may mga manggagawang Filipino na nakauwi at nagsabing sila ay tinakot ng mga taong nakasuot ng police uniforms. Noong nakalipas na Lunes, ika-21 ng Hulyo, isang manggagawang Filipino ang pinugutan ng mga armado sa Benghazi.
Umabot na sa may 800 ang nakauwi mula sa Libya noong ika-20 ng Hulyo dahilan sa kaguluhang nagaganap doon. Wala nang pinapayagang maglakbay na Filipino patungo sa Libya.
Nabanggit noon ni Secretary Albert F. del Rosario na inihahanda na ang isang barko na masasakyan ng may 1,000 mga pasahero upang mailigtas ang mga manggagawa sa magulong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |