|
||||||||
|
||
20140825melo
|
Albay at Lungsod ng Legazpi, handa sa anumang pagkilos ng bulkang Mayon
HANDA ang Pamahalaang Panglalawigan ng Albay at Lungsod ng Legazpi sa oras na lumala ang kalagayan ng bulkang Mayon, ang tanyag na mala-salakot na bundok na may taas na 2,462 metro mula sa karagatan.
HANDA ANG LALAWIGAN NG ALBAY. Sinabi ni Dr. Cedric Daep, ang Director ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na handa ang lalawigan sa anumang emerhensyang idudulot ng Bulkang Mayon. Ipinagbawal na ni Governor Jose Sarte Salceda ang pag-akyat ng mga turista sa 2,462 metrong bulkan at pangunguha ng orchids sa paanan nito. (Melo M. Acuna)
Sa panayam kay Dr. Cedric Daep, ang Director ng Albay Public Safety and Management Office (APSEMO), mula sa abnormal ay itinataas sa alarming status ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang alert level dahilan sa pagkakaroon ng lava dome sa bulkan, pagdalas ng mga pagguho ng mga bato at pagtaas ng sulfur dioxide emission. Bagama't wala pang nakikitang nagbabagang bibig ng bulkan, lumakas na ang pagbubuga ng usok ng isa sa pinaka-aktibong bulkan sa bansa.
Ayon naman kay Mayor Noel Rosal ng Lungsod ng Legazpi, mula ng itaas ng Phivolcs sa Alert Level 2 ang kalagayan ng Mayon Volcano, pinulong na niya ang mga sampung barangay captains na may mga residenteng may binubukid sa loob ng six-kilometer permanent danger zone.
EVACUATION CENTERS PREPARADO. Sinabi ni Legazpi City Mayor Noel Rosal na handa ang evacuation centers sa oras na magkaroon ng pagsabog ang Bulkang Mayon. Mayroon pang mga generator at maayos na gusaling tatagal sa hanging 300 kilometro bawat oras at pagyanig ng lupang aabot ng Intensity 8. Mula umano sa JICA at iba pang ahensya ang mga gusaling ito. (Melo M. Acuna)
Pinayuhan niya ang mga barangay captain na ipagbawal ang pagpasok ng mga magsasaka sa anim na kilometrong permanent danger zone upang makaiwas sa anumang kapahamakan.
ALERT LEVEL 2 ANG BULKANG MAYON. Binabasa ni G. Jack Puertollano ng Phivolcs ang pinakahuling ulat sa nagaganap sa Bulkang Mayon mula sa Lingñon Hill Observatory. Sa isang exclusive interview, nanawagan siya sa madla na huwag ng pumasok sa six-kilometer permanent danger zone. (Melo M. Acuna)
Ayon kay Jack Puertollano ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, mayroong pamamaga ang bulkan sa pamamagitan ng paglaki ng 1.92 millimeters kung ihahambing sa kanilang electronic distance measurements na ginawa noong buwan ng Hunyo ng taong ito. Ang kanilang pinaghahambingan ay ang datos na kanilang natamo noong 2011. Napuna rin nila sa isang aerial survey na nagkaroon ng namumuong lava dome sa pinaka-bibig ng bulkan. Mayroon na ring balita sa pagbaba ng water level sa isang balon sa Barangay Buang, Tabaco City.
Magugunitang lahat halos ng balon sa paligid ng bulkan ay nabalitang bumaba ang water level bago pumutok ang bulkan noong 1984, dagdag pa ni G. Puertollano.
Ani Dr. Daep, ipinagutos na ni Gobernador Jose Sarte Salceda ang pagbabawal sa pag-akyat ng mga turista sa bulkan kasabay ng pangunguha ng orchids sa paanan nito, partikular sa paanan ng bulkan sa timog-silangang bahagi, sa may Legazpi City at bayan ng Sto. Domingo.
Ipinaliwanag ni Dr. Daep na ang pagguho ng mga bato at posibleng dahilan ng paggalaw ng bulkan dala ng pamamaga nito. Senyal ito ng pagtaas ng kumukulong putik at posibleng maging dahilan ng pag-agos ng tinaguriang pyroclastic flow o madaliang pagbaba ng nakamamatay ng mainit na usok. May 77 katao ang nasawi sa biglang pagdaloy ng mainit na usok na ito noong ika-11 ng Pebrero, 1993 sa ganap na 1:11 P.M.
Naniniwala si Dr. Daep na wala ng naninirahan sa permanent danger zone na may anim na kilometro mula sa bibig ng bulkan bagama't mayroong nababalitang mga magsasakang nagtatanim pa rin sa paligid ng bulkan. Nakita nila sa ginawang aerial survey na may mga kamalig pa sa paligid ng bulkan.
Mayroong 29 na mga barangay sa loob ng six-kilometer permanent danger zone sa Lungsod ng Legazpi, Ligao at Tabaco at mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga, Sto. Domingo at Malilipot.
Kahit pa pinayuhan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang madla na huwag pumasok sa anim na kilometro sa paligid ng bulkan, walang sapat na batas na magpapatupad nito. Tanging mga ordinansa lamang ang kanilang maipatutupad sapagkat walang deklarasyon ang Pamahalaan ng Pilipinas na walang nararapat manirahan o maghanap-buhay sa mga peligrosong pook.
Ang Sangguniang Panglalawigan ng Albay ang nagpasa ng ordinansa na walang sinumang papayagang pumasok sa pook sa pagdedeklara ng Alert Level No. 3. Segun sa ordinansa, walang sinuman ang papayagang magkaroon ng kuryente at tubig. Walang paaralang papayagang itayo sa loob ng mapanganib na bahagi ng bulkan.
Bagama't isang panukat kung lumalala ang kalagayan ng bulkan ay mula sa wildlife, wala nang napupunang mga usa at maging mga ahas na bumababa sa mga barangay dahil sa init ng kapaligiran.
Ani G. Puertollano, baka wala ng wildlife sa paligid ng Bulkang Mayon. Noong Sabado, may nabalitang isang pagguho ng mga bato, isang local tectonic quake. Wala pang naitalang volcanic quake noon.
Ani Dr. Daep, mayroong talaan ang mga barangay chairmen ng mga naninirahan sa kanilang nasasakupan.
Idinagdag naman ni Mayor Rosal na kung itataas sa Alert Level 3 ang lagay ng bulkan, mapipilitan siyang ilikas ang mga nanihirahan sa paanan ng Mayon Volcano at dalhin sa evacuation centers.
Inihalimbawa niya ang itinayong evacuation centers ng Japan International Cooperation Agency na nagkakahalaga ng may P 48 milyon na kayang pagkanlungan mula sa hanging 300 kilometro bawat oras at lakas ng lindol na hanggang Intensity 8. Maaaring manirahan sa evacuation center na ito ang may 500 pamilya.
Sa oras na lumala ang lagay ng bulkang Mayon, may preparadong 50 mga truck ang Albay upang ilikas ang mga naninirahang nasa labas ng six-kilometer permanent danger zone at dadalhin sa mga evacuation center.
Magkakaroon ng madaliang requisition ang Department of Education para sa mga trapal na magagamit na silid aralan samantalang ang mga ililikas ang maninirahan sa mga classroom sa mga kinilalang evacuation center. Walang problema sa pagkain sapagkat preparado ang Albay. Sa oras na magkulang, tatlong araw bago sumapit ang pagkaubos ng kanilang supply, magkakaroon ng koordinasyon sa pamahalaang pangbansa para sa augmentation.
Ani Dr. Daep, kahit pa pumutok ang bulkan, bukas ang Albay sa mga turista sapagkat tulad ng mga naunang pagsabog, dumagsa ang mga banyagang turista sa Daraga Church, Legazpi Airport, Aquinas University Campus at maging sa mga barangay ng Sto. Domingo upang panoorin ang pagbulwak ng kumukulong putik sa kadiliman ng gabi. Isang magandang pook din ang Oriental Hotel sa Legazpi City para masdan ang bulkan.
May naganap na lava fountaining noong gabi ng ika-31 ng Disyembre 2009 hanggang ika-apat ng umaga noong unang araw ng Enero ng 2010.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |