|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pangulong Aquino, nanawagan sa mga mamamahayag
SINABI ni Pangulong Aquino na marami namang magagandang mga balita na nararapat ding makasama sa mga lumalabas sa mga pahayagan, radyo't telebisyon.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi niyang ang kanyang pagdalo sa pagtitipon ay pagkilala sa pinanindigan ng samahan mula na ito'y maitatag.
Sa panahon ng diktadura, nanindigan ang mga kasapi ng FOCAP sa pagbabalita ng mga naganap laban sa mapanupil na diktador.
Ani Pangulong Aquino, kung noo'y katapat ng pamahalaan ang media, nagbago na ang situwasyon. Napuna ng pangulo na mayroon pa ring mangilan-ngilang mga mamamahayag na nanatiling kakaiba ang pananaw sa pamahalaan. Marahil ito'y dahilan sa epekto ng Martial Law kaya't naniniwala ang ilang mamamahayag na ang pagpuna sa pamahalaan ang lahat ng tungkol sa pagbabalita.
Hindi na umano nagaganap ang mga pangyayari noong diktadura sapagkat nadakip na rin si retired General Jovito Palparan at nahaharap sa usaping may kinalaman sa paglabag sa Karapatang Pangtao. Nabawasan na rin ang mga naganap na extra-legal killings mula sa 168 noong panahon ni Pangulong Arroyo ay umabot na lamang sa 42 mula noong manungkulan ang Aquino administration.
Mahalaga ang papel ng media at inaasahang tanging katotohanan lamang ang maibabalita. Nararapat lamang maging patas ang masama at mabuting balita.
Idinagdag ni Pangulong Aquino na mayroong magagandang balita sa ilalim ng kanyang liderato tulad ng nagaganap na Mindanao Peace Process, ang magandang performance ng ekonomiya na pinupuri ng international community at ang kakayahang makipagkumpetensya ng Pilipinas sa iba't ibang bansa.
Inihalimbawa pa niya ang Ramon Magsaysay Awardee ngayong 2014 na si Randy Halasan na mahalaga ang papel sa pagganap sa pagiging guro sa mga katutubo.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |