|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Private First Class Pemberton, nasa pangangalaga pa rin ng America
NANANATILI sa pag-iingat at pangangalaga ng Estados Unidos si Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton tulad ng isinasaad ng Visiting Forces Agreement.
Sa isang pahayag ng Armed Forces of the Philippines, ibinibigay lamang ng Pilipinas ang detention facility tulad ng kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos. Dinagdagan din ng AFP ang mga tauhang magbabantay sa Mutual Defense Board – Security Engagement Board Facility na kanyang kalalagyan samantalang isinasagawa ang preliminary investigation.
Kaninang mag-iika-siyam ng umaga, tinanggap ng Armed Forces of the Philippines si Pemberton mula sa mga Americano. Kasama ang mga US at Philippine officials, isinakay si Pemberton sa helicopter mula sa kanyang pansamantalang detention facility sa barkong USS Peleliu na nasa Subic Bay.
Maninirahan si Pemberton sa isang 20-talampakang container van na may rehas. Mayroon siyang teheras na karaniwang tinutulugan ng mga kawal at mayroong air conditioning system. Hindi siya nakunan ng mga larawan sapagkat lalabag ito sa kanyang mga karapatan.
Dalawang kawal mula sa US Marine Custodial Unit ang itatalaga at sasamahan ng apat na kawal na Filipino mula sa Military Police ng General Headquarters - Headquarters Service Command.
Ang pananatili ni Pemberton sa loob gn Campo Aguinaldo ay base sa napagkasunduan ng magkabilang panig sa pamamagitan ng kanilang mga embahada. Ang hukuman ang magdedesisyon kung saan nararapat dalhin ang kawal sa oras na makarating na sa kanilang tanggapan ang pormal na reklamo.
Ayon kay General Gregorio Pio Catapang, AFP Chief of Staff, mayroong suicide watch kay Pemberton na ngayo'y 19 na taong gulang pa lamang.
Samantala, umeksena naman ang Alemang katipan ng pinaslang na si Jeffrey "Jennifer" Laude matapos umakyat sa bakod sa loob ng Kampo Aquinaldo. Kasama ni Marc Suselbeck si Marilou Laude ng pumasok sa detention facility. Nanulak ng kawal si Suselbeck samantalang napansing tila minumura ni Marilou Laude ang isa sa mga bantay.
Nasa isang container van si Pemberton sa loob ng Joint US Military Assistance Group facility sa Kampo Aquinaldo. Hindi umano aalis ang dalawa hanggang hindi nakakaharap si Pemberton.
Magugunitang dumating si Pemberton sa Kampo Aguinaldo nang nakaposas at detenido sa loob ng isang facility.
Sa idinaos na Annual Presidential Forum with FOCAP, sinabi ni Pangulong Aquino na wala siyang balak dumalaw sa lamay ni Jeffrey Laude sapagkat hindi niya ugaling dumalaw sa mga patay na hindi naman niya kilala.
Sa idinaos na pagdinig ng Senado sa pamamagitan ni Senador Miriam Defensor-Santiago, Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, maneobra ng mga Americano ang palabas na paglilipat kay Pvt. First Class Pemberton sa pangangalaga ng mga Filipino.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng mambabatas na dumating si Pemberton sakay ng helicopter na hindi halos nakita ng madla, detenido sa isang air conditioned facility at nababantayan ng mga kawal Americano at nasa labas ng pasilidad ang kawal Filipino. Ipinagsanggalang ng mga Americano ang kanilang kadugo sa mga pumupunang mga Filipino.
Mayroon umanong VIP treatment. Idinagdag pa ni Senador Santiago na nagpadala ang Department of Foreign Affairs ng kahilingan na mapasailalim ng pamahalaang Filipino ang suspect sa pagpaslang sa isang Filipino.
Mas nakabuti kung isinuko kaagad ng mga Americano si Pemberton matapos kilalanin ng mga pulis ng Olongapo.
Isa umanong cold-blooded murder ang naganap. Sinakal umano ang biktima ayon sa medico-legal officer. May dalawang condom na natagpuan sa lugar ng krimen. Nagamit umano ang condom sa isang pagtatalik.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |