|
||||||||
|
||
Dating Senador at Kalihim Juan M. Flavier, namayapa na
NAMAYAPA na ang isa sa pinakamagaling makipagtalastasan sa mga mamamahayag, si Dr. Juan M. Flavier na natanyag sa kanyang mga agresibong kampanya laban sa paninigarilyo at pagsusulong ng mga palatuntunan para sa mga mamamayan. Namayapa siya kahapon ng hapon sa edad na 79.
Ang dating Kalihim ng Kalusugan at dalawang-ulit na nahalal na senador ay nasawi dahilan sa multi-organ failure sanhi ng pneumonia sa Intensive Care Unit ng National Kidney Transplant Institute sa Quezon City. Naratay siya sa pagamutan mula noong ika-10 ng Setyembre.
Sa pahayag ng Malacanang, sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma na isang tunay na lingkod bayan, isinulong niya ang kabutin ng mga nasa malalayong pook at tumulong na maitaas ang uri ng public health care. Kinakitaan si Dr. Flavier ng integridad kaya't napamahal siya sa mga mamamayan dahilan na rin sa kanyang kababang-loob at pagkakabatid ng buhay ng mga karaniwang tao. Isa umanong taong nararapat pamarisan, dagdag pa ni Kalihim Coloma.
Lumahok siya sa pamahalaan bilang Kalihim ng Kalusugan noong 192 sa liderato ni Pangulong Fidel V. Ramos at nahalal na senador hanggang sa kanyang pagtatapos ng 12 taong paglilingkod noong 2008.
Isinilang noong ika-23 ng Hunyo, 1935 sa Tondo, Maynila, lumaki sa G. Flavier sa Baguio City at nagtamo ng degree sa Medisina mula sa University of the Philippines noong 1960. Nangibang-bansa upang mag-aral ng management accounting at komunikasyon sa Michigan State University. Nagkaroon siya ng Master's Degree in Public Health mula sa John Hopkins University noong 1969.
Natatangi sa mga parangal na kanyang tinanggap ang Helen Keller International Award, International Humanitarian Award at ang Ramon Magsaysay International Award.
Kasama niya hanggang sa huling sandali ang kanyang buong pamilya kahapon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |