Pag-uusap nina Pangulong Aquino at Xi, magandang simula
SINABI ni Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr. na isang magandang simula ang pagkikita at pag-uusap nina Pangulong Benigno S. Aquino III at Pangulong Xi Jinping. Magbubukas ito ng pagkakataon sa magagandang posibilidad, kabilang na ang paglutas sa kasalukuyan at sinaunang 'di pagkakaunawaan.
Idinagdag ni Speaker Belmonte, napakalapit ng Pilipinas sa Tsina kaya't malalim na ang relasyon sa larangan ng kultura at ekonomiya sa pagitan ng mga mamamayan na hindi kailanman maitatanggi o maisasa-isang tabi. Hindi kailanman nararapat malimitahan ang relasyon ayon sa 'di pagkakaunawaan sa isyu ng karagatan. Mayroong payapang solusyong magaganap sa oras na mag-usap ang magkabilang-panig.
Binati niya sina Pangulong Aquino at Xi sa kanilang katapatan sa paghahanap ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon sa maikli subalit makabuluhang pag-uusap. Higit umanong gaganda ang relasyon ng Pilipinas sa mga kalapit bansa sa Asia na ang sandiga'y pagtitiwala sa isa't isa.
1 2 3 4 5