|
||||||||
|
||
Natamong tagumpay ng bansa, kaduda-duda
NANGANGAMBA ang Social Watch Philippines sa natamong mga tagumpay ng pamahalaan lalo pa't malabong magbago ang datos sa kahirapan at mga walang trabaho.
Ayon kay Professor Leonor Magtolis Briones, ang lead convenor ng Social Watch Philippines at isang retiradong propesor sa Pamantasan ng Pilipinas, gaganda ang Gross Domestic Product ng Pilipinas sa 2015 subalit ang katatagan nito at epekto sa kahirapan at kakulangan ng hanapbuhay ang nararapat bantayan.
Ani Prof. Briones, sinabi ng International Monetary Fund, ang GDP growth ng Pilipinas ay tinatayang aabot sa 6.3 % samantalang tinataya rin ng Asian Development Bank na matatamo nito ang 6.2% growth rate. Ang mga projection na 6.5% ay nabawasan din dahilan sa mga nagaganap sa Pilipinas at sa daigdig tulad ng mataas na halaga ng bilihin sa ASEAN at pagbagal ng kaunlaran sa rehiyon.
Malaki ang epekto ng paggasta ng pamahalaan dahilan sa magaganap na halalan sa 2016. Isang nararapat bantayan ang magiging epekto ng paggasta sa Gross Domestic Product at maging sa social development.
Sa paggasta sa mga pagawaing-bayan mapapapaniwala ang mga mamamayan na may ginagawang mabuti ang pamahalaan. Sa pagdami ng mga pagawaing-bayan, magkakaroon ng trabaho ang maraming Filipino. May mga politikong kukuha ng mga tao upang mangampanya at gagawa rin ng campaign materials. Iikot ang salapi sa lipunan subalit ang tanong ay pangmatagalan ba ang mga hanapbuhay na may relasyon sa halalan tanong pa ng Social Watch Philippines.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |