|
||||||||
|
||
150107melo.m4a
|
Seguridad para sa Santo Papa, kailangan pang ayusin
SAMANTALANG walong araw na lamang bago dumating si Pope Francis sa Pilipinas, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II na kailangan pang ayusin ang security preparations para sa limang araw na pagdalaw ng pinuno ng Vatican City at Simbahang Katolika.
Ito ang kanyang sinabi matapos ang "New Year's Call" ng mga opisyal ng Philippine National Police kanina sa Kampo Crame.
Sinabi ni Secretary Roxas sa mga mamamahayag na nagkaroon ng apat na oras na sesyon kahapon at sinuri ni Pangulong Aquino ang detalyes ng paghahanda. Gagawin daw ang lahat upang maayos ang seguridad.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni PNP Officer-In-Charge Deputy Director General Leonardo Espina na wala silang nababalitaang peligro sa Santo Papa sapagkat mahal siya ng lahat ng mamamayan.
Hindi naman magpapabaya ang PNP, dagdag pa ni General Espina. May 25,000 katao silang magbabantay at daragdagan ng may 7,000 kawal at 5,000 reservists mula sa Armed Forces of the Philippines.
Kanina, uamlis na ang isang batalyon ng mga kawal mula sa 3rd Infantry Division ng Philippine Army na binubuo ng siyam na opisyal at 257 mga kawal bilang pandagdag sa Joint Task Force Pope na binuo ng AFP Central Command. Itatalaga sila sa Tacloban City at Palo, Leyte sa ika-17 ng Enero. Pinamunuan ni Lt. Col. Marion Sison ang batalyon.
Pamahalaan, kailangang magbuhos ng salapi sa pagawaing-bayan
Ito ang sinabi ni G. Edgardo Lacson, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa isang exclusive interview kanina. Kailangang harapin ng pamahalaan ang problema sa kahirapan at kakulangan ng hanapbuhay, dagdag pa ni G. Lacson. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si G. Edgardo Lacson, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na maganda na rin ang naganap sa Pilipinas noong nakalipas na taon.
Sa isang panayam, sinabi ni G. Lacson na kahit nagkaproblema ang ekonomiya ng bansa noong third quarter, natapos din ang 2014 na mayroong magandang Gross Domestic Product na mas maganda kaysa mga kalapit-bansa sa ASEAN.
Maganda ang hinaharap ng taong 2015 sapagkat malaki ang nagawa ng Administrasyong Aquino at magiging magandang kapital ito ng susunod na pamahalaan sa 2016.
Kailangan lamang maglabas ng salapi ang pamahalaan upang matugunan ang kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Ani G. Lacson, nangako na ang pamahalaang magbubuhos ng salapi upang mapayabong ang mga pagawaing-bayan at magkaroon ng mga programang tutugon sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Kailangan ding magkaroon ng maasahang daloy ng kuryente at mga pagawaing-bayan upang matuloy ang kaunlaran. Dapat ding maluwagan ang isyu sa pag-aari ng lupain na isa sa itinuturing na "disincentive" sa mga mamumuhunang banyaga.
Ang agwat ng mga pinag-aralan sa mga kolehiyo at pangangailangan ng industriya ay unti-unting nababawasan at dalangin ni G. Lacson na matapos ang problemang ito upang higit na marami ang makinabang na nakapagtapos at maging mga nasa industriya.
Higit sa 100 katao, ipinagsumbong
IPINARATING ng National Bureau of Investigation kanina ang kasong kriminal laban sa 119 kataong isinangkot sa pagmamanipula ng presyo at supply ng bawang.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na dalawang uri ng reklamo ang ipinarating na sa Office of the Ombudsman para sa kasong direct bribery at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Department of Justice sa paglabag sa Price Act, Monopolies and Combinations na nakasama sa kalakal at maging sa Obstruction of Justice at paggamit ng mga palsipikadong pangalan at pagtatago ng tunay na pagkatao.
Nangunguna sa ipinagsumbong si dating Bureau of Plant Industry Director Clarito Barron.
Palatuntunan para sa mga mamamayang madalas bahain, inilunsad
PINAMUNUAN ni Ben Hemingway, ang Regional Advisor for East Asia and the Pacific ng Office of U. S. Foreign Disaster Assistance ang paglulunsad ng programang tutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang mula sa 15 matataong barangay sa Metro Manila. Kasama sa palatuntunan ang Catholic Relief Services at Caritas Manila.
Sa panayam, sinabi ni G. Hemingway na hindi basta madaling ilipat sa mas ligtas na pook ang mga mamamayan sapagkat mangangailangan ng mas malaking salapi. Kanilang dadaluhan ang pangangailangan ngayon at sa madaling panahon. Magiging kontribusyon ng mga mamamayan ang pakikiisa sa paglilinis ng mga estero at mga padaluyan ng tubig sa mga barangay. Ang mga mamamayan ang magpaplano kung ano ang mga kailangang daluhan sa abot ng kanilang makakaya.
Ang relokasyon ay mangangailangan ng mga paaralan, hanapbuhay at mga pasilidad na kailangan ng komunidad. Mangangailangan ito ng mas malaking salapi at may panganib na lalong maghirap ang mga ililikas.
Sa panig ng Catholic Relief Services, sinabi ni Marino Deocariza na isang panibagong karanasan ito para sa kanila ang paglulunsad ng palatuntunan sa Metro Manila sapagkat ginawa na nila ito sa Mindanao.
Bagaman, tumutulong din at bukas ang kaisipan ng mga pamahalaang lokal sa Metro Manila na makikinabang sa kanilang programa. Nagkakahalaga ang ayuda ng USAID Asia ng US$ 2 milyon at magtatagal ang proyekto sa loob ng isa't kalahating taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |