|
||||||||
|
||
melo/20150223.m4a
|
May krisis na nagaganap sa Pilipinas
WALANG IMPEACHMENT NA MAGAGANAP. Ito ang sinabi ni Political Adviser Rolando M. Llamas (may mikropono) sapagkat maghihintay na lamang ang madla ng susunod na halalan. May mga nagawang mabuti ang pamahalaan at depende sa pananaw ng taongbayan kung kulang ba ito o maayos naman. Naniniwala si dating Defense Secretary Norberto Gonzales, Bayan Spokesman Teddy Casiño at dating Senador Francisco Tatad (pangalawa mula sa kanan) na madaragdagan ang mananawagang magbitiw na si Pangulong Aquino. Na sa larawan din si Sky Ortigas ng Areopagus Social Media for Asia. (Areopagus Photo)
MULA noong nakalipas na ika-23 ng Agosto 2010 hanggang sa naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong ika-25 ng Enero ng taong ito ay nakita at napuna ang kaawalan ng kakayahan ni Pangulong Aquino sa pamumuno sa bansa.
Ito ang sinabi ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales at ni dating Congressman Teddy Casiño sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Pinatungkulan ni G. Gonzales ang naganap na Luneta hostage crisis na ikinasawi ng walong Hong Kong nationals at ng hostage-taker, ang naganap na Zamboanga siege noong Setyembre 2013, ang kakulangan ng tugon sa lindol na yumanig sa mga lalawigan ng Central Visayas, ang problemang idinulot ng bagyong "Yolanda" sa Eastern, Central at Western Visayas at ang naganap na trahedya sa Mamasapano.
Para kay Political Adviser Rolando M. Llamas, depende na sa pananaw ng taongbayan ang magiging kinabukasan ng bansa. Ipinaliwanag niyang mayroong problemang kinakaharap ang bansa sa trahedyang naganap kamakailan subalit nararapat ding makita ng madla ang mga biyayang natamo sa ilalim ng Aquino Administration.
Naniniwala siyang hindi magkakaroon ng anumang pagbabago sa pamahalaan sapagkat malapit na ang halaln. Maraming nagaganap, maraming mga puna subalit tinatangka ni Pangulong Aquino na tumugon at naghihintay na lamang ng kalalabasan ng pagsisiyasat ng Board of Inquiry at Department of Justice upang magkamit ng dagdag na impormasyon matapos ang mga pagdinig.
Maaaring tingnan ang isang baso kung half-full o half-empty, sabi ni Secretary Llamas.
Inamin ni Secretary Gonzales na may mga pagkilos ang mga kasapi ng National Transformation Council at layuning makakuha ng mas maraming kasapi upang manawagan kay Pangulong Aquino na magbitiw na sa pwesto. Idinagdag pa ni G. Gonzales na nanawagan siya sa mga kawal na huwag lalahok sa anumang pagkilos tulad ng nababalitang coup.
Sa nanaganap na sagupaan sa Mamasapano, kung mayroong international target, mayroong sinusunod na programa subalit lumalabas na ang nararapat makabatid ng impormasyon ay hindi napagsabihan bagkos ay ang suspendidong chief ng Philippine National Police ang pinagtiwalaan.
Kung totoong international target ang pakay, pinapayagan at kailangan ang pakikipagtulungan sa iba't ibang bansa. Subalit ikinagulat ni G. Gonzales na mersenaryo umano ang ikinalat ng mga Americano sa Mindanao at hindi regular na mga kawal.
Sinabi ni G. Casiño na patuloy na darami ang maghahayag ng kanilang damdamin at sama ng loob sa mga susunod na araw kaya't makikita ni Pangulong Aquino ang kawalan ng tiwala ng mga mamamayan.
Para kay dating Senador Francisco S. Tatad, napapanahon na ang pagbibitiw ng pangulo sapagkat mayroong probisyon sa Saligang Batas ng Pilipinas na maaaring dumulog ang mga kasapi ng gabinete sa Kongreso at magsabing wala ng kakayahan ang pangulong mamuno sa bansa. May krisis na nagaganap, dagdag ng dating senador at ang kailangan ay payapang paglilipat ng poder.
Ayon kay Secretary Llamas, may sapat na suporta si Pangulong Aquino mula sa Kongreso kaya't "out of the question" ang impeachment. Mas maraming takot na mapatalsik ang pangulo sapagkat baka mas malala ang kahalili.
Duda rin si G. Llamas na makaapekto ang naganap sa Mindanao sa relasyon ng Tsina at Pilipinas. Sa naganap na pag-uusap nina Pangulong Aquino at Xi Jinping ng Tsina, unti-unti nang umiinit ang relasyon ng dalawang bansa. Walang anumang kaguluhang namagitan sa relasyon ng Tsina at Pilipinas, dagdag pa ni G. Llamas. Malakas ang impluwensya ng America sa Pilipinas sapagkat may mga kasunduang nilagdaan ang dalawang bansa sa paglitas ng mga panahon.
Sumagot si G. Casino at nagsabing lumilinaw ang papel ng America sa Mindanao. Lumalabas na dummy ang Pilipinas ng Estados Unidos. Hindi magandang pangitain kung masasangkot ang mga kawal at pulis na Pilipino sa kumpas ng America.
Naniniwala si g. Gonzales na matagal na ang relasyong namamagitan sa Tsina at Pilipinas at nakasalalay ito sa kalakal.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |