|
||||||||
|
||
Pangulo ng Francia, dadalaw sa Pilipinas
DADALAW sa Pilipinas si Pangulong François Hollande ng Francia mula sa Huwebes hanggang Biyernes, ika-26 hanggang ika-27 ng Pebrero sa paanyaya ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Sasamahan siya ng isang delegasyong higit sa 100 katao na kinabibilangan ng mga opisyal, mga artista at mga mamamahayag sa kauna-unahang state visit ng isang nanunungkulang pangulo ng Francia mula ng maitatag ang relasyon ng dalawang bansa noong 1947.
Ayon sa Department of Foreign Affaitrs, pag-uusapan nina Pangulong Aquino at Pangulong Hollande ang relasyong namamagitan sa dalawang bansa, magpapalitan din ng mga pananaw hinggil sa mga pangehiyon at pangdaigdig na usapin na kinabibilangan ng terorismo na nakita sa Paris kamakailan na ikinasawi ng 20 katao matapos salakayin ang tanggapan ng isang magazine.
Sa kanyang pagdating, tutuloy si Pangulong Hollande sa Luneta at mag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose Rizal. Ayon sa pahayag ng DFA, naging inspirasyon ni Dr. Rizal ang French Revolution noong 1789. Isinulat ni Dr. Rizal ang mga unang bahagi ng El Filibusterismo sa Paris.
Layunin ng magkabilang panig na pag-usapan ang kalakalan. Ang Francia ang ikalawang pinakamalaking trading partner sa European Union na umaabot sa US$ 2.39 bilyon noong Oktubre 2014 na kinakitaan ng dagdag na 24% mula noong Oktubre 2013.
Isusulong ni Pangulong Hollande ang mga isyung may kinalaman sa climate change. Francia ang punong abala sa 21st meeting ng Conference of Parties 21 sa Paris sa darating na Disyembre 2015. Tinatayang may 40,000 katao ang dadalo sa pagtitipon.
Ang pagdalaw ni Pangulong Hollande ay pagbabalik ng pagdalaw ni Pangulong Aquino sa Francia noong nakalipas na Setyembre. Noong 1986, ang Francia ang kauna-unahang bansang kumilala sa pamahalaan ni Pangulong Corazon C. Aquino sa ilalim ng isa pang sosyalistang pangulo, François Mitterand.
Ikalima sa pinakamalaking ekonomiya sa daigdig ang Francia at ikalawa sa pinakamalaki sa European Union at sumusunod lamang sa Alemanya. Isang tanyag na investor ang Francia sa iba't ibang bansa at nanguna sa Francophone world na binubuo ng may 40 bansa sa Africa, Europa at sa America. Isa ang Francia sa limang permanent member countries sa UN Security Council.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |