|
||||||||
|
||
/melo/20150224.m4a
|
Mga manggagawang Filipino, pina-alalahanan hinggil sa MERS-CoV at Bird Flu
IBAYONG PAG-IINGAT. Ito ang panawagan ni World Health Organization country director Dr. Julie Hall (gitna) sa isang briefing hinggil sa mga karamdamang napupuna sa daigdig. Kabilang dito ang MERS-Corona Virus at Bird Flu. Nasa kanan ni Acting Health Secretary Janette Garin samantalang nasa kaliwa si Assistant Secretary Jesus R. S. Domingo ng Department of Foreign Affairs. (Melo M. Acuna)
MAY kaukulang babala ang mga Filipinong nasa Gitnang Silangan at Tsina hinggil sa mga sintomas ng mga kontrobersyal na karamdaman tulad ng MERS-Corona Virus at Bird Flu upang makaiwas at makapagpagamot sa oras na makaramdam sila ng panghihina ng katawan.
Ito ang sinabi ni Acting Health Secretary Janette Garin sa isang pulong na itinaguyod ng World Health Organization at dinaluhan ng mga kinatawan ng iba't ibang embahada at mga mamamahayag.
Sapagkat higit sa 5,000 mga manggagawang Filipino ang umuuwi sa bawat araw sa Pilipinas, kailangang magkaroon ng sapat na mga magbabantay sa mga paliparang pandaigdig at mga daungan. Ayon kay Dr. Garin, magdaragdag sila ng mga tauhan at makikipagtulungan sa mga dalubhasaan ng medisina upang masanay ang mga graduating students at baka makumbinseng maglingkod sa pamahalaan.
Kausap na rin nila ang Philippine Charity Sweepstakes Office upang mahingan ng tulong at ginagamit nila ang Quick Response Fund upang mapunuan ang anumang pagkukulang. May paghahanda na ang Department of Health sa pagsiklab ng Ebola Virus noong 2014 at ito na rin ang kanilang gagamitin.
Napapakinabangan din nila ang salaping mula sa "sin taxes," dagdag pa ni Dr. Garin.
May isang musikerong Filipino na nagtrabaho sa Tsina na namatay noong nakalipas na Sabado at pinagdududahan nilang "bird flu" subalit wala silang nakamtang kumpirmasyon sapagkat nagpagamot ang pasyante noong lumala na ang kalagayan.
Dumating sa bansa ang musikerong hindi pinangalanan noong unang linggo ng Pebrero. Nagtrabaho umano sa Tsina ng anim na taon at hindi umuwi ng bansa. Nang sumama ang pakiramdam ay kumunsulta sa isang klinika, nagpahinga at bumalik noong ika-12 ng Pebrero. Pinayuhang magtungo na sa Research Institute of Tropical Medicine subalit gumugol pa ng isang araw sa tahanan at nasawi noong ika-14 ng Pebrero. Unang pinagdudahang MERS-Corona Virus ang tumama sa biktima subalit sa bilis ng pagkalugso ng kanyang kalusugan at sa kanyang bansang pinagmulan, pinagdududahang bird flu ang sakit ng nasawi.
Hindi masabi kung saang bahagi ng Tsina nagmula ang biktima. Bagama't musikero, madalas umano siyang mamalengke sapagkat mahilig kumain ng manok.
Diabetic umano ang pasyente subalit may posibilidad na may kanser din sapagkat may papel na nakuha sa kanyang kagamitang nagsasabing mayroon siyang karamdaman. Sa ginawang pagsusuri, apektado ng karamdaman ang baga ng nasawi.
Nagkaroon na rin ng mga paalala ang pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs at Department of Health ang mga Filipino sa Tsina at Saudi Arabia na maging maingat. Bagaman, hindi nila inilabas ito sa media at hindi ito nangangahulugan ng isang "travel advisory" sapagkat idinaan nila sa mga embahada at konsulada ng Pilipinas.
Ayon kay Assistant Secretary Jesus R. S. Domingo, Director-General ng Office of United Nations and International Organizations, inilabas ang paalala para sa mga OFW sa mga embahada sa Riyadh at Beijing sampu ng mga konsulada sa Shanghai, Xiamen, Guandong, Chongqing, Macau at sa Hong Kong.
Mayroon umanong mga 10,000 Filipinong manggagawa sa Tsina. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga nagtatrabaho sa Hong Kong at Macau. Kasama sa paala-ala ang ibayong pag-iingat at pagbabalita kung ano ang tunay na nagaganap sa kanilang kinalalagyan.
Inamin ni Dr. Garin na ang health providers ang posibleng matamaan ng karamdamang MERS-Corona Virus kung paulit-ulit ang kanyang exposure sa may mga karamdaman.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |