|
||||||||
|
||
Usaping inihain ng mga biktima ng "Princess of the Stars", tuloy pa rin
BAWAL NG MAGSAKAY NG PASAHERO ANG SULPICIO LINES. Hawak ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta ang isang certified true copy ng kautusan ng Maritime Industry Authority na nagbabawal magsakay ng pasahero ang Sulpicio Lines na nabatid na may kargang kemikal noong lumubog noong 2008 na ikinasawi ng mga pasahero sa kasagsagan ng bagyong Frank. (Melo M. Acuna)
NAGPATULOY kaninang umaga ang paglilitis sa usaping inihain ng mga naulila at mga biktima ng paglubog ng MV Princess of the Stars sa Manila Regional Trial Court Branch 49 sa ilalim ni Judge Daniel Villanueva.
Ayon kay Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, handa ang kanilang pitong saksi upang sumailalim sa cross examination ng abogado ng Sulpicio Lines na ngayon ay kilala nasa pangalang Philippine Span Asia Carrier Corporation.
Dala ni Atty. Acosta ang isang certified true copy ng 50-pahinang desisyon ng Maritime Industry Authority na nagbabawal sa Sulpicio Lines na magsakay ng mga pasahero sa kanilang mga barko. Tanging mga kargamento na lamang ang kanilang maisasakay matapos mabatid na nagkarga sila ng kemikal ng walang kaukulang pahintulot o permiso.
Ipagpapatuloy ang pagdinig sa usaping ipinaabot ng 71 mga naulila at biktima ng sakuna. Nakapagtampok na ang Public Attorney's Office ng 58 saksi na sumailalim na sa cross examination.
Gagawin ang susunod na pagdinig sa Marso 3 at 4 ng taong ito. Bukod ito sa usaping ipinarating sa Cebu Regional Trial Court sa ngalan ng mga biktima mula sa Visayas at Mindanao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |