|
||||||||
|
||
20150311Melo
|
PEACE PROCESS DAPAT ITULOY. Sinabi ni Bb. Malou Tiquia sa isang exclusive briefing para sa Asian Corporate Network at European Chamber of Commerce of the Philippines na nararapat matuloy ang peace process sapagkat sa ganitong paraan makakausap ng maayos ang MILF. Bagaman, sinabi rin ni Bb. Tiquia na dapat kasama ang mga katutubo, mga lumad at kanit na ang MNLF upang magtagumpay ang kapayapaan sa Mindanao. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Bb. Malou Tiquia ng Publicus Asia na magmamatyag ang dalawang economic power sa daigdig sa darating na halalan. Ito ang kanyang pananaw na ibinahagi sa mga bumubuo ng Asian Corporate Network at European Chambers of Commerce of the Philippines kaninang umaga sa isang exclusive briefing sa The Tower Club sa Makati.
May koneksyon din ang nakabimbing Bangsamoro Basic Law sa Senado at Kongreso bagama't sinasabi ni Pangulong Aquino na nais niyang maipasa sa buwan ng Hunyo subalit kaduda-duda ito kung magaganap. Binanggit na rin ni Pangulong Aquino na maghihintay siya na maipasa ito bago man lamang matapos ang kanyang termino.
May mga mambabatas na nagdadalawang-isip sa kanilang suporta sa panukalang batas sapagkat tatlo na sa co-authors nito ang umatras at humiling na burahin na ang kanilang pangalan sa mga original na nagtataguyod ng panukalang batas. Sila ay sina Senador Ferdinand Romualdez Marcos, Senador JV Ejercito at Senador Allan Peter Cayetano. Ngayon ay isang malaking palaisipan pa rin kung ano ang kalalabasan ng pagsisiyasat ng iba't ibang ahensya ng pamahalaaan. May walong grupong hiwa-hiwalay na nag-iimbistiga.
Sa likod ng mga pangyayari, nararapat lamang isulong ang peace process sapagkat sa ganitong paraan lamang mapapanatili ang MILF sa negotiating table. Hindi lamang MILF ang nararapat makasama sa peace process. Sa oras na makipaglagdaan sa isang grupo, magkakaroon ng panibagong grupo. Dapat suriin kung sino ang nararapat kausapin upang makamtan ang kapayapaan. Dalangin ni Bb. Tiquia na huwag namang sumapit ang pagkakataong makikipagnegosasyon na ang pamahalaan sa Abu Sayyaf.
Dapat ding isama ang mga lumad at mga katutubo. Kasama rin dapat si Nur Misuari ng MNLF sa anumang negosasyon sapagkat hindi maikakaila ang halaga ng MNLF. Bahagi na ng Kasaysayan si Nur Misuari at ang kanyang grupo.
Hindi kailangang magkaroon ng anumang deadline sapagkat walang peace process na magtatagumpay kung mamadaliin ang proseso. Kahit pa magtatagal ang negosasyon ng lampas sa administrasyon ni Pangulong Aquino.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |