|
||||||||
|
||
Abogada ng mga biktima ng Princess of the Stars, umaasang matatapos na ang paglilitis
NANINIWALA si Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na matatapos na sa taong ito ang pagdinig ng hukuman sa mga usaping sibil na inihain ng mga naulila ng mga nasawi sa paglubog ng M/V Princess of the Stars noong 2008.
MGA NAULILA SA SAKUNA NG M/V PRINCESS OF THE STARS AT MGA ABOGADO, MAGKAKASAMA. Isang larawang kinuha kasama ang mga naulila sa paglubog ng M/V Princess of the Stars sa RTC Branch 16 sa Cebu City. Laman sila ng hukuman sa bawat pagdinig sa kasong sibil na kanilang inihain sa hukuman. Ang pagdinig sa Cebu City ay para sa mga biktimang mula sa Mindanao at Visayas. (Melo M. Acuna)
Sa isang panayam sa pagtatapos ng pagdinig kahapon sa Regional Trial Court Branch 16 sa Cebu city sa ilalim ni Judge Sylvia G. Aguirre-Paderanga, sinabi ni Atty. Acosta mabilis ang nagiging paraan ng mga hukuman sa Cebu at Maynila. Nagkaroon na sila ng pormal na pag-aalok ng mga ebidensya.
Mayroon umanong anim na saksi ang Sulpicio Lines na itatampok sa hukuman sa mga susunod na pagdinig.
Nagsimula ang kanilang mga pagdinig noon pa mang 2009 subalit nagkaroon ng mga pagbabago sa mga hukom na dumirinig ng usapin sa kahilingan ng ipinagsakdal. Ikalawang hukom na si Judge Paderanga matapos mag-inhibit ang kanyang hinalinhan. Sa Maynila, pang-apat ng hukom si Judge Daniel Villanueva.
ATTY. PERSIDA V. RUEDA ACOSTA, UMAASANG MATATAPOS NA ANG PAGDINIG. Baka matapos na ang pagdinig ng mga hukuman sa Cebu at Maynila sa mga usaping ipinarating ng mga biktima ng paglubog ng M/V Princess of the Stars noong 2008. Buwan-buwan ang ginagawang pagdinig ng mga usaping sibil. (Melo M. Acuna)
Ani Atty. Acosta, ang mga kahilingang mag-inhibit ang mga hukom ay isang paraan upang tumagal pa ang usapin. Humihiling ng bayad-pinsala ang mga naulila sa pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Samantala, tuloy pa rin ang kasyong kriminal na hawak ng isang special prosecution panel sa ilalim ni State Prosecutor Hazel Valdez.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |