|
||||||||
|
||
Art Exhibit, pinasinayaan sa Department of Foreign Affairs
ART EXHIBIT, SINIMULAN. Isang simpleng ribbon-cutting ceremony ang naganap sa Department of Foreign Affairs sa pagbubukas ng sang pagtatanghal ng mga Pilipinong alagad na sining na nagbigay pansin sa mga imaheng Tsino. Makikita sa larawan si Foreign Affairs Undersecretary Laura del Rosario (gitna), Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua (pangalawa mula sa kaliwa) at G. Antonio Kalaw, pangulo ng Development Academy of the Philippines (Pangalawa mula sa kanan). Kasama rin sa larawan sina Manny Dy (dulong kanan) ng Federation of Filipino-Chinese Associations Foundation, Inc.
SINIMULAN noong Lunes ng hapon ang isang pagtatanghal ng mga iginuhit na larawan ng mga alagad ng sining na mga Filipino. Ang kanilang inspirasyon sa pagpipinta ay mga pook at mukha ng mga Filipino at Tsino.
Pinasalamatan ni Foreign Affairs Undersecretary Lourdes del Rosario ang mga samahang nagtaguyod ng pagtatanghal tulad ng Federation of Filipino-Chinese Associations of the Philippines, Development Academy of the Philippines at maging ang Embahada ng Tsina sa Maynila.
Sa maikling palatuntunan, sinabi ni Undersecretary del Rosario na malaking bagay ang pagtutulungan ng iba't ibang sektor upang magkatotoo ang matagal na pinagbalakang proyekto.
Sinabi ni Development Academy of the Philippines President Antonio Kalaw na matatagpuan sa kanilang tanggapan ang mga obra maestra ng mga alagad ng sining tulad nina Napoleon Abueva at iba pa. Naroon din ang mga ginawa ng isang alagad ng sining na may dugong Tsino, si Ang Kio Kuk.
Ilang daang taon na ang lumipas sa pagkakaibigan ng mga Filipino at Tsino sa larangan ng kultura at kalakal. Ang kanyang mga ninuno, dagdag pa ni G. Kalaw, ay mga Tsino.
Matagal na ang pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Samantala, sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na kalugod-lugod ang pagsasama-sama ng iba't ibang sektor sa exhibit sa pagdiriwang ng ika-40 taong pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Makikita sa mga larawan ang kagandahan at kapayapaan na siyang nais ng madla. Sa pangyayaring ito, napapanahon lamang na balikan ang magagandang namagitan sa dalawang bansa sa daan-daang taong nakalipas.
Ang mga alagad ng sining na Filipino at Tsino ay natuto sa bawat isa tulad ng mga kasama sa mga porselana at iba pang kagamitang nagmula sa Tsina at nakarating sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng mga pagtatanghal na ito, ani Ambassador Zhao, nagiging daan upang matagpuan ang pinagkakasunduan sa gitna ng nababalitang mga 'di pagkakaunawaan. Ang mga pagkilos na ganito ang nagiging sandigan na mas malapit na pagkakaibigan ng mga bansa at mga mamamayan nito. Magiging daan din ito ng ibayong pag-uunawaan, dagdag pa ni Ambassador Zhao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |