|
||||||||
|
||
MAKAKAASA ang APEC member economies at ang daigdig na makakasama ang Tsina sa pagsusulong ng kaunlaran. Ito ang buod ng talumpati ni Pangulong Xi Jinping sa idinadaos na APEC Chief Executives Summit sa Lungsod ng Makati.
Sinabi ni Pangulong Xi na sariwa pa sa kanyang gunita ang mga napag-usapan at napagkasunduan sa natapos na APEC 2014 sa Beijing. Idinagdag pa niya na mabagal ang pagbawi ng pandaigdigang ekonomiya at nahaharap sa iba't ibang pagsubok. Mayroon ding pagkakaiba ang kalakaran sa larangan ng pananalapi sa mauunlad na bansa at pinahahalagahan pa rin ang global market confidence. Apektado rin ang mga umuunlad na bansa, dagdag pa ni Pangulong Xi.
Hindi pa natatamo ang inaasahang sigla sa pamilihan sapagkat halos magkakasabay na bumagal ang kalakalan.
Idinagdag pa niya na kailangang isulong ang reporma at mga pagbabago. Hindi sasapat ang sinasabing monetary initiatives sapagkat mas kailangan ang structural reforms upang makatugon ang supply and demand system sa pagbabago sa larangan ng kalakal.
Dito may pagkakataon ang Asia – Pacific Economic Cooperation na manguna sa daigdig sa pagpapatupad ng mga bagong paraan, modelo at kalakaran ng kaunlaran. Sinabi rin niya na nararapat madaliin ang industrial upgrading upang mapakinabangan ang agham at teknolohiya na magiging dahilan ng mga bagong produkto, pamamaraan ng pagpapatakbo at bagong business model.
Sa pagpapanatiling bukas ng ekonomiya, magkakabahaginan ng magagandang practices at paglilipat ng teknolohiya at kailangang makipagsabayan ang mga umuunlad na ekonomiya. Kailangang gawin ng APEC ang papel nito bilang policy platform at daan upang mapasigla ang mga kalakal.
Ani Pangulong Xi, noong nakalipas na taon, ang mga pinuno ng APEC ang naglunsad sa Beijing ng Free Trade Area ng Asia-Pasific na kilala sa pangalang FTAAP. Sa pagkakaroon ng iba't ibang rehigional free trade arrangements, may mga nababahala na higit na magkakahiwalay ang mga magkakasama kaya't mahalagang madaliin ang pagbuo ng FTAAP.
Kailangan din ng isang pangmatagalang kaunlaran. Isa umanong Tsinong pantas ang nagsabi na ang susi ng pagpapatakbo ng bansa ay magawang mas mabuti ang kalagayan ng mga mamamayan nito. Kailangang makamtan ng mga mamamayan ang bunga ng mga kaunlaran sa lipunan.
Idinagdag pa ni Pangulong Xi na kailangang isulong ang connectivity. Nakatuon ito sa infrastructure, rules and institutions, personnel movement, and three-in-one connectivity.
Mahalaga rin ang policy dialogue at coordination at magamit ang APEC bilang isang plataporma upang higit na sumigla ang rehiyon.
Bago nagtapos sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Xi na bilang ikalawa sa pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, ang kanyang bansang Tsina ay nakatatawag pansin pa rin ng daigdig at mga mamamayan. Ang global growth ay nananatiling mabagal at pinagtatangkaan ng kanyang bansang malampasan ang hamong dala ng krisis. Nagagaganp ito sa pagpapalakas ng macro regulation at masiglang nagsusulong ng mga reporma.
Sa pagbagal ng ekonomiya, sinabi ni Pangulong Xi na matatag pa rin ang kanilang kabuhayan at malaki pa rin ang potensyal. Bibigyang-pansin ng Tsina ang equity at justice, sa pagkilala sa interes ng mga mamamayan.
Samantalang gumagawa ng mas malaking kakanin, titiyaking mas maayos ang pagkakahati para sa lahat. Sa nakalipas na ilang dekada, naalis nila ang may 600 hanggang 700 milyong mamamayang Tsino sa kahirapan. Isang magandang ambag na rin ito sa kaunlaran ng sangkatauhan. Bahagi rin ito ng kanilang palatuntunan para sa taong 2030.
Bibigyang pansin din ang green development at gagawa ng ecological progress na magiging bahagi ng economic at social development upang makamtan ang pangmatagalang kaunlaran.
Tuloy ang negosasyon para sa China-ASEAN Free Trade Agreement. Inaasahan na ring mapakikinabangan ang China-Australia FTA ang China-ROK FTA at iba pa.
Mananatiling bukas ang Tsina sa pandaigdigang komunidad, dagdag pa ni Pangulong Xi.
Sa Setyembre ng 2016, Tsina ang mangangasiwa sa 11th G-20
Summit sa Hangzhou, Zhejiang Province at inanyayahan niya ang Asia-Pacific business communities sapagkat pagkakataon itong magbahaginan ng mga kaisipan at pagtutulungan upang higit na umunlad ang pandaigdigang ekonomiya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |