|
||||||||
|
||
Climate Change, dapat bigyang-pansin
NANAWAGAN si Pangulong Barack Obama sa mga mangangalakal na dumadalo sa APEC Chief Executives Summit sa Shangri-La Makati na kilalanin ang hamong kinakaharap ng daigdig sa pagbabago ng klima. Ito umano ang ikalimang pagkakataong nakadalo siya sa pagpupulong ng mga nangungunang mangangalakal.
Ayon sa pangulo ng Estados Unidos, sa bawat pagpupulong na kanyang dinadaluhan sa iba't ibang bahagi ng daigdig, nabibigyan ng pansin ang kaunlaran, mga gawaing-bayan at pagpapayabong ng maliliit na kakalal.
Sa kanila umanong pagpupulong sa G-20, napag-usapan ang mga paraan upang higit na sumigla ang natatamong kaunlaran sa pagtustos sa small business. Sa APEC, isusulong ng Estados Unidos ang ibayong pagtutulungan na magkakaroon ng pangmatagalang bias samantalang sa idaraos na pulong sa Kuala Lumpur, bibigyang-diin ang Trans Pacific Partnership.
Ang lahat ng paksang ito ay mahalaga sa mga mangangalakal na dumadalo sa APEC CEO Summit. Subalit sinabi rin ni Pangulong Obama na isang malaking banta at pagkakataon para sa lahat ang nagaganap na pinsalang dulot ng climate change.
Pinsala ni Haiyan
Ginunita ni Pangulong Obama ang pinsalang idinulot ni "Haiyan" dalawang taon na ang nakalilipas at napinsala ang bilyong dolyar na halaga ng mga pananim at ari-arian sampu ng pagkasawi ng libu-libong mga mamamayan. Hindi maikakaila ang mga pagbabagong nagangap sa kapaligiran dulot ng climate change. Napapanahon na ang nagkakaisang pagkilos. Matindi ang magiging dagok nito sa sector ng pagsasaka. Mapipinsala rin ang ekonomiya, dagdag pa ni Pangulong Obama.
Oportunidad rin ang pagkakataong ito para sa mga mangangalakal na maglagak ng kapital sa pagsusulong ng renewable energy. Maaaring magkaroon ng investments sa mga magsusulong ng higit na malinis na pinagkukunan ng kuryente.
Aniya, mayroong 81 kumpanyang lumahok sa climate change initiative at nangako ng US$ 160 bilyon sa clean energy. Mayroon na ring nakikitang mga ginagawa sa Vietnam samantalang pinapurihan ni Pangulong Obama ang malalaking solar at wind projects sa Pilipinas.
Panayam kay Jack Ma
Sa sumunod na sesyon, tinanong ni Pangulong Obama si Jack Ma, chairman ng Alibaba kung bakit siya nagtuon ng pansin sa climate change, sumagot si G. Ma na mayroon siyang karanasan noong kabataan niya na muntik na siyang nalunod samantalang naglalangoy sa isang lawa. Binalikan niya ang lawa mga limang taon na ang nakalilipas at wala ang lawang malalim ilang dekada na ang nakalilipas.
Bukod sa pagkawala ng lawa, marami na ang nagkasakit ng cancer. Kailangan tumulong ang mga kumpanya sa paglutas ng mga problema at ang pagkakamulat ng madla ay mahalaga upang makatulong ang mas maraming mamamayan sa pagsugpo ng mga dahilan ng climate change.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |