|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Kumpanyang Filipino, nakipag-kalakal sa Zhongfa Group
LUMAGDA sa isang kasunduang magtatayo ng 15 mga kainan sa Beijing at Hubei Province ng China sa loob ng limang taon ang Max's Group sa JuYangYiTong ng Zhongfa Group. Makakapasok na sa Tsina ang Max Group sa pamamagitan ng kanilang "Yellow Cab Pizza." Kinikilala ng Max's Group ang Tsina bilang pinakamalaking food market sa rehiyon.
Nakatawag na umano ng pansin ang Tsina sa paglago ng bilang ng mga mamamayang interesado sa pizza at magkakahalaga ito ng US$ 2 bilyon at higit sa isa't kalahating porsiyento ng US$ 125 bilyong global market noong 2012.
Ayon sa pahayag ng kanilang pangulong si Robert Trota, ang mga kabataan sa Tsina ang siyang inaasahang magiging tagatangkilik ng kanilang bubuksang una at pangalawang pizza parlor malapit sa mga pamantasan sa Beijing.
Isang development agreement ang nilagdaan nina G. Trota, Peter King, ang Chief Executive Officer for International ng Max's Group, Inc. at Mike Zhang, chief executive officer ng JuYangYiTong ng Zhongfa Group at Steve Dong na isang opisyal ng kanilang hotel group sa Pilipinas.
Ang Zhingfa Group ang siyang may-ari ng JuYangYiTong na nangangasiwa sa food and beverage business na nagdadala ng international brands sa Tsina. Itinatag noong 1993, ang Zhongfa Group ay isang kumpanyang nasa commercial real estate, electronic business at hotel management na may kalakal sa Tsina, Filipinas, Kenya, Palau, Switzerland at magsisimula na rin sa Canada.
Ani G. Mike Zhang, malaking bagay sa kanila ang pagpasok ng Yellow Cab Pizza sa Tsina. Mapili umano ang mga Tsino at angkop lamang ang pizza na mula sa Pilipinas sa panlasa ng mga Tsino tulad ng karanasan ng mga Tsinong turista sa Boracay.
Layunin nilang makapagtayo ng may 200 pizza parlor hanggang sa taong 2020. Ang Max's Group ay nasa ika-70 taon na ng operasyon sa bansa. Kinikilala ng kumpanya bilang pinakamalaking casual dining operator sa Pilipinas.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |