|
||||||||
|
||
Special Report
Malaki ang papel ng pamamahayag at brodkast sa halalan
HINDI matatawaran ang papel ng mga naglilingkod sa propesyon ng pamamahayag at brodkast ngayong panahon ng halalan. Ito ang nagkakaisang pananaw nina Ariel Sebellino, executive director ng Philippine Press Institute, Joel Sy-Egco, pangulo ng National Press Club at Professor Arsenia Gomez ng Philippine Normal University sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina.
MALAKI ANG RESPONSIBILIDAD NG MGA MAMAMAHAYAG AT BRODKASTER. Ito ang pananaw nina Prof. Arsenia Gomez ng Philippine Normal University at ni G. Ariel Sebellino, executive director ng Philippine Press Institute sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kanina. Dumalo rin si G. Joel Sy-Egco (wala sa larawan), pangulo ng National Press Club at nagsabing pagsapit ng election period, may mga mamamahayag at brodkaster na nanganganib mapatay dahil sa partisan politics. (Melo M. Acuna)
Ayon kay G. Sebellino, na nagmula sa pinakamatagal na samahan ng mga pahayagan sa bansa, obligasyon ng mga nasa industriya ng pamamahayag na itaas ang antas ng talakayan sa panahon ng pangangampanya ng mga kandidato sa lokal at pambansang posisyon bukod sa mga karaniwang kinagigiliwan ng madlang pag-awit at pagsayaw sa mga kampanya.
Para kay G. Sebellino, nararapat na mapanuri ang mga mamamahayag sa kanilang pagharap sa mga kandidato, magtanong ng mahahalagang paksa at hindi limitado sa trivia. Mahalagang mapalabas ng mga mamamahayag ang mga palatuntunan ng mga kandidato para sa kanilang panunungkulan sa bayan, lungsod, lalawigan o bansa. Hindi pa umano naririnig ang mga paninindigan ng mga kandidato hinggil sa kahirapang hinaharap ng madla, patuloy na nagaganap na suliraning panglipunan at iba pang mahahalagang isyung hindi pa nalulutas hanggang ngayon.
Sinabi ni Professor Gomez hindi kailanman mawawala sa isip ng mga mahihirap ang halagang magmumula sa mga politiko. Kalakaran na sa mga nakalipas na halalan na mamudbod ng salapi dalawang araw bago sumapit ang aktuwal na halalan. May mga pagkakataong namamahagi ng tig-iisa hanggang tigta-tatlong libong piso bawat botante. Sa pananaw ng mga botante sa lalawigan, malaking salapi na ang kanilang matatanggap subalit kung susumahin sa tatlong taong panunungkulan ng mga namimili ng boto hilang punong-lalawigan, punong-lungsod o punongbayan, aabot lamang ito ng wala pang tatlong piso bawat araw. Ipinaliwanag niyang malaki rin ang papel ng mga nasa akademya sa pagkikintal ng kaisipan ng mga kabataan sapagkat sa loob ng ilang taon ay sila na ang mamumuno sa bayan.
Para kay G. Sy-Egco, nahaharap ang mga mamamahayag at mga brodkaster sa panganib pagsapit ng bawat halalan sapagkat mainitan ang labanan sa ilang mga bahagi ng bansang kinilala ng mga alagad ng batas na "election hotspots."
Obligasyon ng mga may mga pahayagan at mga himpilan ng radyong pangalagaan ang kanilang mga kawani upang huwag mahulog sa bitag ng katiwalian at paggawa ng taliwas sa kagandahang asal. Ito ang pahayag nina G. Sebellino at Sy-Egco sa likod ng mga balitang maraming naglilingkod sa mga lalawigan na walang sapat na kinikita sa kanilang paglillingkod sa komunidad.
Nalilimutan na umano ng ilang mga mamamahayag ang media ethics sapagkat hanggang ngayon ay nasa survival mode pa rin sila, na karaniwang tinaguriang kapit sa patalim.
Isang isyu pa rin ang kalayaang ibinibigay ng mga may-ari ng pahayagan at himpilan ng radyo't telebisyon sa kanilang mga kawani. Tumitingkad ito sa pinapanigang politiko o partido ng network owners at newspaper publishers.
May mga pagkakataon ding pinaghirapan ng mamamahayg na mabuo ang balita subalit pinapatay ng mga patnugot sapagkat may koneksyon ang ibinabalita sa may-ari ng kumpanyang pinaglilingkuran.
Umaasa si Professor Gomez na makaka-angat ang mga Filipino sa poverty mindset upang tunay na mapag-usapan ang mga tunay na isyu ng bansa, tulad ng direksyong tatahakin sa susunod na lima, sampu hangganga 20 taon. Hanggang hindi nakaka-angat ang karamihan ng mga Filipino sa kahirapan, maghahari pa rin ang mga politikong may salaping magagamit.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |