|
||||||||
|
||
Motion for Reconsideration, inihahanda na
INIHAHANDA na ni Atty. Amado Valdez, dating dekano ng University of the East College of Law ang kanyang motion for reconsideration at maglalahad ng bagong argumento laban sa kandidatura ni Senador Grace Poe.
Hihilingin niyang baliktarin ng Korte Suprema ang naunang desisyong pumapayag na makakandidato ang senadora sa panguluhan. Balak ng dating dekano na gamitin ang sinasabing paglabag ng senador sa Saligang Batas at betrayal of public trust na malalakas na dahilan.
Nagkaroon na umano ng naunang mga desisyon tulad ng kaso ni Regina Ongsiako Reyes hinggil sa kanyang residency sa pagtatamong muli ng kanyang Filipino citizenship. Sumang-ayon ang Korte Suprema sa desisyon ng Commission on Elections na kanselahin ang kandidatura ni Regina Ongsiako Reyes sa pagka-mambabatas.
Pinalitan si Reyes bilang mambabatas ni Lord Allan Velasco na anak ni Associate Justice Presbitero Velasco na bumotong pabor kay Senador Poe. Sa kaso ni Reyes, sinunod ng hukuman ang judicial precedents na nagsabing hindi naibalik ang natural-born citizenship. Ipinagtanong niya kung paano nagdesisyon ang Korte Suprema ng kakaiba sa kaso ni Senador Poe. Hinihintay umano ng dating dekano ang desisyon sapagkat may tatlong issue na nais niyang pagbalik-aralan, na si Poe ay isang foundling, ang kanyang residency at ang kanyang pagtatamong mula ng Filipino citizenship.
Ayon kay Dean Valdez, ang tatlong ito ay sapat na dahilan upang madiskwalipika ang senador sa kanyang pagkandidato sa pagka-pangulo. Ipinaliwanag ni Dean Valdez na nakalaliit na ng panahon para sa motion for reconsideration sapagkat dalawang buwan na lamang at halalan na. Itutuloy pa rin niya ang kanyang motion for reconsideration bilang paggalang sa batas.
Hinahabol lamang niya ang magiging desisyon sapagkat magiging bahagi na ito ng batas. Nais niyang liwanagin kung sino ang naninirahang mamamayan at taal na Filipino. Wala na rito ang isyu kay Frace Poe at higit pa ito sa panahon ng halalan sapagkat ito'y paggalang sa batas. Desisyunan man ito sa susunod na lima o sampung taon, hindi ito personal na isyu laban kay Grace Poe subalit nais lamang niyang magwagi at manaig ang Saligang Batas at ang pagpapatupad ng nilalaman ng batas.
Kahit umano mahalal si Senador Poe na pangulo ng bansa, mapapatalsik pa siya sa puwesto ayon sa kanyang mga argumento.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |