|
||||||||
|
||
20160323melo.mp3
|
Mga pag-abuso noong Batas Militar, ginunita ni Pangulong Aquino
PANGULONG AQUINO, PINARANGALAN NG PHILIPPINE ARMY. Dumalo si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa ika-119 na anibersaryo ng Philippine Army sa Fort Bonifacio kanina. Malaki na umano ang nagawa ng Philippine Army sa pagdadala ng kapayapaan sa kanayunan. (Malacanang Photo Bureau)
PHILIPPINE ARMY, PINURI NI PANGULONG AQUINO. Pinasalamatan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang Philippine Army sa kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng bansa. Patuloy umanong susuportahan ng pamahalaan ang mga programa ng pinakamalaking branch of service sa Armed Forces of the Philippines. (Malacanang Photo Bureau)
SA ika-119 na taong pagkakatatag ng Hukbong Katihan ng Pilipinas, ginunita ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang lagim na idinulot ng Batas Militar.
Ito ang buod ng kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Hukbong Katihan ng Pilipinas kaninang umaga. Idinagdag ni Pangulong Aquino na ninais niyang maging kawal dahilan sa palabas sa telebisyong "Combat" noong dekada Sisenta subalit nabago ang kanyang pananaw ng sumapit ang Martial Law, sapagkat sa Fort Bonifacio at maging sa Fort Magsaysay nakulong ang kanyang ama ng pitong taon at pitong buwan.
Noong panahong iyon nila nakilala ang bantay sa piitan ng kanyang ama, na naging maayos ang pagtrato sa kanila. Ang bantay ang siyang Kalihim ng Tanggulang Pambansa na si Voltaire Gazmin. Nagunita pa ni Pangulong Aquino na mula 1975 hanggang 1986, ginantimpalaan si G. Gazmin ng pagkakadestino sa Mindanao.
Noong maluklok ang kanyang ina bilang pangulo ng bansa, hinirang si G. Gazmin bilang chief ng Presidential Security Group. Ang yumaong Senador Benigno Aquino Jr. ang naging isa sa mga ninong sa kasal ni G. Gazmin higit na apat na dekada na ang nakalilipas.
Sinisi ni Pangulong Aquino ang Batas Militar sa paglago ng mga komunistang rebelde mula 60 hanggang 25,000. Nanumbalik ang Sandatahang Lakas sa pagpanig sa mga mamamayan. Nagkakaisa na umano ang taongbayan at nadakip na ang mga kalaban ng pamahalaan tulad nina Acting Chairman Benito Tiamzon ng Communist Party of the Philippines, ang secretary-general na si Wilma Tiamzon at Eugenia Magpantay-Topacio na secretary general ng Central Luzon Region Party Committee. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, umabot na lamang sa 12 lalawigan ang katatagpuan ng mga guerilya ng New People's Army.
Ayon sa pagtataya ng sandatahang lakas, may 4,000 na lamang ang mga kasapi ng New People's Army sa bansa na hindi nagbago mula noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |