|
||||||||
|
||
20160715 Melo Acuna
|
NAKIKIISA ang Pamahalaan ng Pilipinas sa bansang Francia at sa mga mamamayan nito matapos sagasaan ng isang truck ang may 84 katao at pagkakasugat ng higit sa 100 iba pa sa nagdiriwang ng Bastille Day sa lungsod ng Nice sa katimugang bahagi ng bansa.
Ito ang unang pahayag ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. sa pagsisimula ng ika-11 Asia-Europe Leaders Meeting sa Mongolia. Nakikiisa ang Pilipinas at mga Filipino sa bansa at mga mamamayang nagdadalamhati.
Ayon kay G. Yasay, nakikiisa ang mga Filipino sa panahon ng pagluluksa dulot ng trahedya.
Higit na sa 80 katao ang nasawi matapos isang truck na puno ng mga sandata ang nanagasa ng mga nanonood ng fireworks display para sa Bastille Day sa Nice.
Kinondena ni Pangulong Francois Hollande ang krimen na hindi umano maitatangging kagagawan ng mga terorista. Dinagdagan ang panahon ng state of emergency sa bansa na magtatapos na sana sa ika-26 ng Hulyo. Magtatagal ito hanggang Oktubre.
Kung mapatutunayang isang terrorist attack, ito ang ikatlong pananalakay sa Francia sa loob ng isa't kalahating taon.
Ayon naman kay DFA Spokesman Charles Jose, wala pa silang natatanggap na balitang may mga Filipinong nasawi o nasugatan sa pangyayari.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |