|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Bayanihan, mahalaga sa pagbabalik ng kuryente
NANAWAGAN si Energy Secretary Alfonso G. Cusi sa iba't ibang sektor na may kinalaman sa kuryente na tumulong upang maibalik ang mga napinsalang kagamitan dala ng malakas na bagyong "Lawin."
Nanawagan si Secretary Cusi sa mga hindi naapektuhang kasama sa sektor ng enerhiya tulad ng Manila Electric Company, ang Aboitiz Group at iba pang tumulong sa pagbabalik ng kuryente sa Cagayan Electric Cooperative at Isabela Electric Cooperative.
Ipinaliwanag niyang ginagawa nila ang lahat ng magagawa upang madali ang paghahatid ng kuryente sa mga naapektuhang pook tulad ng Cagayan Valley, Kalinga at Apayao.
Sa distribution side, tumugon na ang National Electrification Administration at ilang mga kooperatiba sa panawagan ng Department of Energy na buhayin ang Task Force Kapatid o TFK.
Ibinalita ng National Electrification Administration na may tatlong koponan na may higit sa 60 katao mula sa NEA, sa 19 na electric cooperatives sa Central Luzon at Southern Tagalog at pitong private investor-owned utilities na nakiisa.
Hanggang kanina, umabot na sa 58% ng Northern Luzon ang may kuryente. Natapos na ang La Union Electric Cooperative ang pagbabalik nito sa franchise area. Apektado pa ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, Mountain Province, Ifugao, Kalinga-Apayao at Abra electric cooperatives.
Target ng pamahalaang ibalik ang kuryente sa higit sa 500,000 tahanan.
Ibinalita na ng Ntional Grid Corporation of the Philippines na naibalik na ang transmission facilities sa La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra at Mountain Province.
Umabot na sa 87.57% ng mga pook sa Nueva Ecija, Quirino, Ifugao, Isabela, Cagayan at Kalinga-Apayao ang nabigyan na ng kuryente.
Iniulat din ng National Grid Corporation of the Philippines na ang lahat ng 69 kilovolt lines ay nagkakuryente na para sa dalawang line segments sa Kalinga at bahagi ng Cagayan at Apayao. Hirapan silang ibalik ang kuryente sa bulubunduking bahagi ng Luzon.
Sa panig ng Meralco, sinabi ni G. Jose Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, na patuloy silang tumutulong sa pagbabalik ng kuryente sa iba't ibang pook tulad ng kanilang nagawa noong mga nakalipas na panahon.
Sa isang mensahe sa CBCPNews, sinabi ni G. Zaldarriaga na patuloy na tumutulong ang Meralco sa mga pook na apektado ng bagyo at iba pang trahedya.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |