|
||||||||
|
||
May-ari ng punerarya, bumalik na sa Pilipinas, aanyayahan sa Senado
BUMALIK na sa Pilipinas ang kontrobersyal na may-ari ng puneraryang pinagdalhan sa labi ng Koreanong si Jee Ick-joo matapos patayin sa Campo Crame. Ito ang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa isang panayam sa radyo kaninang umaga.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na ipatatawag niya si Gerardo Santiago, isang dating pulis at may-ari ngayon ng Gream Funeral Services. Magugunitang sa kanyang punerarya natagpuan ang mga abo ng Koreanong negosyante.
Ani Senador Lacson, mahalaga ang pahayag ni Santiago sapagkat siya ang magbibigay liwanag sa papel ni Sta. Isabel at ng kanyang among itinuturo sa sa pagdukot na isang Supt. Raphael Dumlao ng PNP Anti-Illegal Drugs Group.
Nagtuturuan sina Sta. Isabel at Dumlao. Sinabi ni Sta. Isabel na inutusan lamang siyang ibigay ang golf set ng biktima kay Santiago bilang kabayaran.
Idinagdag ni Senador Lacson na kung makikipagtulungan si Santiago, mababatid kung sino sa dalawa ang mas malapit sa kanya, kung si Dumlao o Sta. Isabel. May impormasyon na naglingkod sa iisang tanggapan sina Sta. Isabel at Santiago.
May isa pang magsasalita sa kanyang nababatid sa krimen, isang SPO4 Roy Villegas na ipatatawag din ng Senado. Naunang sinabi ni Villegas na nakita niyang si Sta. Isabel ang sumakal kay Jee. Siya rin ang tumawag kay Santiago na tanggapin ang bangkay ni Jee na may kalakip na golf set bilang kabayaran.
Kailangan ding kumilos ang PNP kasama ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang mabatid kung ang ransom payment na limang milyon ay nauwi sa bank account ni Sta. Isabel.
Naunang binanggit ni Sta. Isabel sa Senado kahapon na kumikita lamang siyang P 8,000 bawat buwan subalit sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth ay nabatid na nagkakahalaga siya ng P 14 na milyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |