|
||||||||
|
||
20170221 Melo Acuna
|
MATAGUMPAY na naidaos ang ASEAN Foreign Ministers' Retreat sa Boracay kanina.
Ayon kay Foreign Secretary Perfecto R. Yasay, Jr., pinag-usapan nila ang pagpapatupad ng ASEAN Community Vision 2025 lalo't higit ang ASEAN Political-Security Community Blueprint, ang pagpapalakas ng external relations ng ASEAN at ang pagpapanatili ng pagkakaisa ng samahan sa nagaganap sa rehiyon.
Anim na mga prayoridad ang napag-usapan tulad ng people-oriented at people-centered ASEAN, ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, ang maritime security at pagtutulungan, ang inclusive, innovation-led growth, ang ASEAN resiliency at ang ASEAN bilang isang modelo ng regionalism at pagkakaroon ng mahalagang papel sa daigdig.
Umaasa rin ang mga foreign minister sa matagumpay na pagdaraos ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN na kinatampukan ng limang dekadang pagtutulungan at pagpapalakas ng pangrehiyong samahan na nakatutulong sa mga mamamayan. Inaasahan ding higit na mag-iibayo ang pagtutulungan ng mga bansa sa rehiyon sa larangan ng consular assistance at ang pakikipag-ugnayan sa mga nagsusuri sa ASEAN upang higit na umunlad ang bahaging ito ng daigdig.
Nagpalitan din ng mga pananaw ang mga foreign minister sa mga isyung pangrehiyon at pandaigdig at naghanap ng mga paraan upang isulong ang kapayapaan, katatatagan at kaunlaran sa rehiyon at mga kalapit pook. Kanilang na rin ang non-traditional security challenges tulad ng terorismo, pamimirata at pandarambong sa karagatan, cybersecurity, natural disasters, climate change, irregular migration, trafficking in persons at illicit drugs, maritime security at cooperation at mga pangyayari sa iba't ibang rehiyon tulad ng Middle East, Korean Peninsula at South China Sea.
Nababahala din ang rehiyon sa naganap na paglulunsad ng ballistic missle ng Democratic People's Republic of Korea at nanawagan sa bansang kilalanin ang mga resolusyon ng United Nations Scurity Council upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad at katatagan.
Hinggil sa South China Sea, ilang mga ministro ang nagparating ng pagkabahala sa mga nagaganap sa karagatan na maaaring magpainit ng tensyon at makabawas sa pagtitiwala sa isa't isa. Kailangang isulong ang pakikipag-usap upang mabawasan ang init sa rehiyon. Mahalagang mapanatili ang pagtitiwala sa isa't isa kasabay ng panawagang umiwas sa pagpapalala ng situwasyon at pagsusulong na rin ng payapang paglutas sa mga 'di pagkakaunawaan.
Kabilang dito ang paggalang sa paraang legal at diplomatiko ng walang anumang paggamit ng dahas. Kailangan ding kilalanin ang mga probisyon ng International Law kabilang na UNCLOS. Mahalagang magkaroon ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea at magkaroon ng pagsusulong sa proseso sa pagitan ng ASEAN at Tsina upang mabuo na ang Code of Conduct sa pinakamadaling panahon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |