|
||||||||
|
||
Melo 20170407
|
Pangulong Duterte dadalaw sa Middle East
NAKATAKDANG maglakbay si Pangulong Rodrigo Duterte upang makausap ang mga pinuno ng Kaharian ng Saudi Arabia, Kaharian ng Bahrain at pinuno ng Qatar mula sa Lunes hanggang sa Linggo, ika-sampu hanggang ika-16 ng Abril.
Ayon kay Asst. Secretary Hjayceelyn M. Quintana ng Office of Middle East and African Affairs, makakausap din ni Pangulong Duterte ang mga manggagawang Filipino sa tatlong bansa.
Layunin niyang mapalakas ang programa ng pamahalaan upang isulong ang mga karapatan ng higit sa isang milyong manggagawa sa tatlong bansa, mag-anyaya ng mga mangangalakal sa Pilipinas at magkaroon ng mas malakas na pakikipagtulungan sa larangan ng political at economic cooperation.
Mahalagang bahagi pa rin ng daigdig ang Gitnang Silangan sa Pilipinas kahit pa nahihirapan ang mga bansang ito dulot ng mababang presyo ng petrolyo.
Middle East pa rin ang nangungunang destinasyon ng mga manggagawang Filipino. Sa nangungunang sampung bansang nais pagtrabahuhan ng Filipino, anim ang nasa Gitnang Silangan at pawang kasapi Gulf Cooperation Council.
Ayon kay Asst. Secretary Quintana, sa padalang salapi ng mga Filipino, pangalawa ang mula sa Middle East sa pagpapanatili ng 28% o US$ 7.6 bilyon noong nakalipas na 2016. Mula sa 28%, higit sa one third o 10% ang mula sa mga manggagawang nasa Saudi Arabia.
Mula sa Department of Energy, 87% ng total crude mix ang mula sa Middle East at 36.1% ang mula sa Saudi Arabia.
Dadalaw sa Riyadh, Saudi Arabia si Pangulong Duterte mula sa Lunes hanggang sa Miyerkoles at makakausap Ang Kanyang Kamahalan Haring Salman bin Abdulaziz al Saud. Maglalakbay naman siya patungong Manama, Bharain mula sa ika-12 hanggang ika-14 ng Abril at makakaharap Ang Kanyang Kamahalan Haring Hamad bin Isa Al Khalifa. Sa Doha, Qatar, makakausap niya si Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al-Thani sa State of Qatar mula sa Biyernes hanggang Linggo.
Isusulong ni Pangulong Duterte ang industriya ng turismo sa PIlipinas, pagtiyak sa halal food na mula sa Pilipinas, Islamic finance at energy security. Aanyayahan niya ang mga makakausap niya na maglagak ng kalakal sa Mindanao upang maibsan ang kahirapan at matapos ang kaguluhan.
Sa larangan ng political cooperation, isusulong ni Pangulong Duterte ang pagtutulungan sa seguridad, paglaban sa terorismo at paglaban sa bawal na gamot.
Sasaksi rin siya sa paglagda sa mga kasunduan sa larangan ng paggawa, pagsasaka, paglalakbay ng mga eroplano, kultura, kalusugan at political bilateral consultations.
Mayroong 760,000 mga Filipino sa Saudi Arabia, 60,000 naman sa Bahrain at may 250,000 sa Qatar. Umaasa si Pangulong Duterte na magkakamit ang Pilipinas ng bahagi sa US$ 500 bilyong pinagsanib na investment capital ng tatlong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |