|
||||||||
|
||
MAGKAKAROON ng "peace corridor" upang matulungan ang mga mamamayang naiipit sa sagupaan sa Marawi City. Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa kanyang press briefing na idinaos sa Malacanang, pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front sa kanilang pulong noong nakalipas na Lunes.
Madadali ang paglilikas sa mga sibilyan mula sa Marawi City at madadala ang mga kailanga relief goods para sa mga naiwan sa sinalakay na lungsod at mga pansamantalang naninirahan sa evacuation centers.
Mamumuno sa peace corridor si Bb. Irene Morada Santiago, ang pinuno ng implementing panel ng pamahalaan. Siya rin ang mangangasiwa sa humanitarian efforts at pagtatayo ng peace corridor.
Ani Bb. Santiago, napagkasunduan ito sa pulong nina Pangulong Duterte, mga kasama sa joint implementing panels at mga nangungunang pinuno ng Moro Islamic Liberation Front.
Idinagdag ni G. Abella na nangako ang MILF na makikipagtulungan sa pamahalaan upang mabantayan ang paglalagyan ng peace corridors.
Gagamiting pamantayan ang peace mechanisms na napapaloob sa Joint Coordinating Committees on the Cessation of Hostilities (CCCHS) sa pagtatayo ng peace corridor. Layunin ng peace corridor ang paglilikas ng mga sugatan at mabawi ang mga nasawi upang mailibing.
Ibinalita rin ni G. Abella na may 19 katao ang pinaslang ng mga armadong kabilang sa Maute/Abu Sayyaf Group samantalang nailikas ang may 960 katao. May 42 kalaban ang napaslang sa mga sagupaan samantalang iginigiit ng pamahalaang may 47 iba pa ang napaslang ayon sa mga nakasaksi. Mayroong 81 high-powered firearms ang nabawi ng pamahalaan.
Samantala, may 21 mga kawal at pulis ang napaslang samantalang 72 iba pa ang nasugatan.
Ayon kay Ginoong Abella, layunin ng pamahalaang mapawi ang mga armado sa Marawi City, mailigtas ang mga naipit na mamamayan, mabawi at mailikas ang mga sugatang mamamayan at tumulong sa mga pamahalaang lokal, civil society organizations at maging non-government organizations na sangkot sa relief operations.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |