|
||||||||
|
||
Mga biktima ng sagupaan sa Marawi, natutulungan ng ICRC
INTERNATIONAL HUMANITARIAN LAW, MAHALAGA. Binigyang halaga ni G. Wolde Gabriel Saugeron, deputy head delegation ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na niliwanag nila sa magkabilang-anig sa mga sagupaan sa Marawi City na marapat igalang ang International Humanitarian Law upping maiwasan ang pagkasawi ng mga non-combatant. Tumutulong din ang ICRC sa pamamagitan ng mga gamot at iba pang kagamitang kailangan ng mga nagsilikas. (Melo M. Acuna)
MAY programa ang International Committee of the Red Cross kasama ang Philippine Red Cross para sa mga biktima ng mga sagupaang nagaganap sa Marawi City.
Ito ang sinabi ni G. Wolde-Gabriel Saugeron, ang deputy head of delegation ng International Committee of the Red Cross sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kaninang umaga.
Ayon kay G. Saugeron, nagpapatuloy pa ang sagupaan sa Marawi City ay mayroong mga sibilyang nasa gitna ng magkakatunggaling grupo. Aabot sa 200,000 ang mga naninirahan sa Marawi City at libu-libo katao na ang lumikas patungo sa Saguiaran, Balo-I at Iligan City. May mga pamilyang naninirahan sa kanilang mga kamag-anak samantalang may nagsilikas patungo sa mga paaralan.
Limitado ang pagkain at tubig na maiinom sa Marawi City samantalang ang nalalabi sa lungsod ay nangangamba sa maaring maganap sa mga susunod na araw. Ang mga naiwan sa Marawi City ay ang mga walang masasakyan at walang paraan upang magbayad ng kanilang sasakyan. Problema na rin ang kalinisan sa evacuation centers sapagkat sa Balo-I, mayroong isang paaralang tinitirhan ng 1,000 evacuees at dadalawa ang palikuran.
Tiniyak ni G. Saugeron na nakikipag-usap sila sa mga kinatawan ng pamahalaan at mga armado upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga sibilyan, ng mga mamamayang 'di sangkot sa labanan.
Niliwanag din ni G. Saugeron na itinatadhana ng International Humanitarian Law na ang sinumang nasangkot sa pakikidigma subalit tumigil na dahil sa pagkakasugat o sa pagtalikod sa pakikipaglaban ay marapat na ipagtanggol at ipagsanggalang. Bagaman, nababahala sila sa balitang kusang pinuntirya ang mga walang labang mamamayan.
May nakalaan na silang medical supplies sa Iligan City upang maalalayan ang mga rural health units. Kabilang ditto ang mga karaniwang gamot, anti-biotics, dressing materials at injectable medication at suero na makatutugon sa 30,000 katao sa loob ng tatlong buwan.
Nabigyan na rin nila ng health kits ang rural health units sa Balo-I at Saguiaran. Nakapaghatid na rin sila ng may 1,000 water jugs upang magkaroon ng imbakan ng tubig ang mga naninirahan sa mga evacuation centers at sa kapitolyo sa Lanao del Sur. Mayroon na ring mobile water treatment sa Saguiaran evaucaition center na makapaglilinis ng tubig para sa may 2,000 mga pamilyang naninirahan sa evacuation centers. Kasama nila ang Philippine Red Cross sa pagtulong sa mga biktima.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |