MAKARARANAS ang Luzon at Visayas ng maulan na Sabado dala ng panahong habagat na higit na lumakas dahil sa Severe Tropical Storm na si "Gorio" at ang bagong low pressure area sa silangan ng Pilipinas.
Magkakaroon ng banayad hanggang sa pabugso-bugsong pag-ulan ang inaasahan sa kanlurang bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila. Inaasahang madarama ang panayad na pag-ulan sa iba pang bahagi ng Luzon at Visayas.
Nakita ang bagyong "Gorio" kaninang umaga sa layong 360 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes at inaasahang makalalabas sa Philippine Area of Responsibility sa Linggo, ika-30 ng Hulyo.
Inaasahang kikilos ang sama ng panahon patungong Taiwan sa bilis na 15 kilometro bawat oras. Magpapatuloy na magiging batobalani ng habagat na magpapaulan sa Luzon at Visayas bukas hanggang Linggo.
Samantala, binabantayan ng PAGASA ang galaw ng sama ng panahon sa hilagang kanluran ng Luzon mula noong Miyerkoles bago ito naging isang Low Pressure Area.
Ayon sa isang dalubhasa sa PAGASA, walang posibilidad na magkaroon ng Fujiwhara effect o ang pag-ikot ng dalawang sama ng panahon na mauuwi sa paghihilahan ng dalawang namumuong bagyo. Magaganap lamang ito kung magkatulad ang lakas ng dalawang hiwalay na sama ng panahon.
1 2 3 4