|
||||||||
|
||
Paggalang sa batas at pagkilala sa katarungang panglipunan, mahalaga
PAGPAPATUPAD NG BATAS, MAHALAGA. Ito ang sinabi ni Albay Congressman Jose Sarte Salceda sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido matapos pumutok ang balitang pinaslang ng mga pulis ang 17-taong gulang na si Kian Lord delos Santos sa isang police operation noong Miyerkoles
SINABI ni Albay Congressman Jose Sarte Salceda na kailangang kilalanin ng lahat ang kahalagahan ng batas, kasabay ng panawagang igalang ang itinatadhana ng batas. Mahalaga ring isulong ang katarungang panglipunan. Ito ang kanyang binanggit sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido.
Sa panig ni G. Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Economic Reforms, hindi pa naman nanganganib si Pangulong Duterte na mabawasan ng mga sumusuporta dahil sa pagkakapaslang kay Kian Loyd delos Santos subalit niliwanag niyang lahat ng paglabag sa alituntunin ng police operations ang nagawa ng mga dumakip at pinaniniwalaang pumatay sa binatilyo.
Ipinaliwanag ni G. Casiple na kasama siya sa advisory group ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at wala sa mga regulasyon ang ginawa ng mga pulis. Una, mahalagang binasahan ng Miranda Doctrine ang dinakip kasabay ng pagdadala sa barangay o sa himpilan ng pulisya upang sumailalim sa due process.
ANG MGA INSIDENTE NG PAGPATAY AY NAKABABAHALA. ito ang sinabi ni dating Congressman Jose Apolinario Lozada. Na sa gitna si G. Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Economic Reforms na nagsabing isang "extra judicial killing" ang naganap
Ikinababahala naman ni dating Ambassador to Palau at Congressman Jose Apolinario Lozada ang naganap kay Kian Loyd sapagkat mayroon din siyang mga apo na nag-aaral. Kung may mga balitang tulad ng naganap sa binatilyong pinaghinalaang pusher, ang lahat ng mga magulang ay may karapatang mabahala.
Pamilya pa rin ang mahalaga, dagdag naman ni Dr. Elmer Talavera, isang opisyal ng TESDA sapagkat karamihan ng kanilang mga kliyente ay mga nagsasanay upang magtrabaho sa loob at labas ng bansa. Problema ang droga subalit nararapat bigyang-pansin ang papel ng pamilya.
Sa panig ni Dr. Ted Herbosa, executive vice president ng University of the Philippines, kung magkakaroon ng hanapbuhay sa loob ng bansa, maiiwasan ang paglabas ng ina o ama ng pamilya at mababantayan ang mga anak sa kanilang paglaki.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |