|
||||||||
|
||
Asian Infrastructure Investment Bank at World Bank, nagkasundong tustusan ang programa sa Metro Manila
MAGSISIMULA na ang proyektong makababawas sa pagbaha sa Metro Manila ngayong taong. Ito ang napapaloob sa kasunduan ng Asian Infrastructure Investment Bank at World Bank. Nakatakdang maglabas ang AIIB ng US$ 207.6 milyon tulad ng World Bank na babalikat din ng US$ 207.6 milyon samantalang gagastos din ang Pamahalaan ng Pilipinas ng may US$ 85.79 milyon.
Ayon sa pahayag ng World Bank sa Maynila kanina at kahapon ng hapon sa Washington, sa Estados Unidos, karaniwang apektado ng mga pagbaha mula Hunyo hanggang Oktubre ang mahihirap na mamamayan. Napipinsala din ang mga lansangan at pagawaing-bayan. Dahilan din ito ng mabigat na daloy ng trapiko.
Sa ilalim ng proyekto, 36 na pumping stations ang aayusin samantalang magtatayo ng may 20 mga bagong pumping stations kasabay ng paglalagay ng mga kagamitang kailangan sa mga lungsod ng Maynila, Pasay, Taguig, Makati, Malabon, Mandaluyoing, San Juan, Pasig, Valenzuela, Quezon City at Caloocan. Karamihan sa mga pumping stations ay naitayo pa noong dekada sitenta at hindi na napakikinabangan ng maayos.
Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Aguilar Villar na ginagawa ng pamahalaan ang lahat sa pagpapatupad ng master plan na lulutas sa problemang dulot ng pagbaha sa National Capital Region at mga kalapit pook.
Sinabi ng pahayag ng World Bank sa Maynila na ang basurang mula sa mga mamamayan ang nakababara sa padaluyan ng tubog kaya't apektado rin ang daloy ng tubig sa mga estero at ilog.
Nagkakahalaga ng US$ 500 milyon ang proyekto.
Sinabi ni Bb. Mara Warwick, ang country director para sa Brunei, Malaysia, Pilipinas at Thailand na nagpapahirap ng mga mamamayan ang pabalik-balik at paulit-ulit na baha sa mahihirap. Sa mga pagbaha, nahuhulog sa ibayong hirap ang mga mamamayan.
Sa panig ni Supee Teravaninthorn ng AIIB, ang proyektong ito ay naaayon sa kanilang adhikaing makatulong sa mga Filipino sa kanilang kauna-unahang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas.
Ang Department of Public Works and Highways at Metro Manila Development Authority ang magpapatupad ng proyekto kasama ang mga pamahalaang lokal at mga sangkot sa pabahay. Nakatakdang simulan ang proyekto ngayong 2017 at magtatapos sa 2024.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |