|
||||||||
|
||
20171205melo.mp3
|
Mga nagtapos, makasasabay sa pandaigdigang pamilihan
MGA FILIPINO, MAKASASABAY SA PANDAIGDIGANG PAMILIHAN. Ito ang sinabi nina Education Secretary Leonor Briones (gitna), Commission on Higher Education Chairperson Patricia B. Licuanan (kaliwa) at TESDA Director General Guiling A. Mamondiong sa idinaos na press briefing sa 2017 Philippine Education Summit. (Melo M. Acuna)
MAKASASABAY ang mga nagtapos sa kolehiyo at mga technical school sa pandaigdigang pamilihan. Ito ang sinabi ng mga namumuno sa Commission on Higher Education, Department of Education at Technical Education and Skills Development Authority sa isang press briefing sa idinadaos na 2017 Philippine Education Summit sa Manila Hotel.
Ayon kay Chairperson Patricia B. Licuanan ng CHED, nakasasabay ang Pilipinas sa ibang umuunlad na bansa na singlaki ng Pilipinas. Mayroong 25% enrolment rate ngayon at nais nilang dagdagan ito. Bagaman, naiiwan ang Pilipinas ng mga bansang Singapore, Malaysia at Thailand samantalang humahabol din ang mga bansang Indonesia at Vietnam.
Makaaasa ang mga mamamayan na pag-iibayuhin ng Commission on Higher Education ang mga programa nito upang higit na pakinabangan ng mga mag-aaral, dagdag pa ni Dr. Licuanan.
Samantala, sa larangan ng Basic Education, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na tamang hakbang ang ginawa ng pamahalaan sa pagkakaroon ng K-12 program. Sa ganitong programa, makasasabay ang mga nagtapos sa Pilipinas sa mga kalapit-bansa sapagkat sapat ang pagsasanay.
Bagaman, sinabi ni Secretary Briones na naghahanda ang Thailand na magkaroon ng K-14 program na magbibigay-diin sa pagtuturo ng wikang Ingles at paghahanda sa mga hanapbuhay na kailangan ng pamilihan.
Hindi pa man nabubuo ang ASEAN may 50 taon na ang nakalilipas, napakikinabangan na ng mga bansa sa timog silangang Asia ang SEAMEO o South East Asia Ministers of Education Organization na regular na kinatatagpuan ng mga dalubhasa sa edukasyon at mga mag-aaral na nag-uusap sa mga kailangang gawin upang mapaunlad ang sektor ng edukasyon.
Sinabi naman ni Director General Guiling A. Mamondiong ng Technical Education and Skills Development Authority na karamihan ng kanilang mga nagtapos ay nagkaroon ng maayos na hanapbuhay sa loob at labas ng bansa.
Sa milyong mga Filipino sa ibang bansa, nagpapakita lamang ito ng angkop na paghahanda at galing ng mga mamamayang kumikita ng malaki para sa kanilang pamilya.
Ang kailangan lamang ang maging maayos ang mga programa at hindi kailangang pabagu-bago upang maging matatag ang pagpapatupad ng mga ito sa paglipas ng panahon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |