|
||||||||
|
||
Pari ng San Jose de Nueva Ecija, binaril, patay
MAHIWAGA pa rin sa mga Katoliko ng Diyosesis ng San Jose de Nueva Ecija ang pagkakabaril at pagkakapatay kay Fr. Marcelito "Tito" Paez na 72 taong gulang na.
Nagmamaneho ng kanyang sasakyan si Fr. Tito ng barilin ng dalawang ulit ng nakamotorsiklong kalalakihan kagabi sa Jaen-Zaragoza Road sa Jaen, Nueva Ecija.
Nagkaroon ng dalawang tama ng bala ang pari at isinugod sa Gonzales General Hospital sa San Leonardo subalit pumanaw pagsapit ng ika-sampu ng gabi.
Dating pari sa Guimba at coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines –Central Luzon si Fr. Tito.
Aktibo sa kanyang pamumuno sa Central Luzon Alliance for Sovereign Philippines na nangampanya sa pagpapalayas ng mga base militar ng Estados Unidos sa Gitnang Luzon at maging sa ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Bishop Roberto Mallari ng Diocese of San Jose de Nueva Ecija, nagretiro si Fr. Tito noong 2015 at nakapaglingkod sa diyosesis sa nakalipas na 33 taon mula ng maitatag ang diyosesis.
Kinondena ni Bishop Mallari ang pamamaril at pagpaslang sa kanyang pari at nanawagan sa pamahalaang alamin ang pinaka-ugat ng pagpatay.
Natampok si Fr. Tito sa pagpipiyansa sa isang political prisoner na nagngangalang Rommel Tucay kahapon, ilang oras bago naganap ang pamamaril.
Si Fr. Tito ang kauna-unahang paring Katoliko na napaslang sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mga naka-motorsiklong kalalakihan ang karaniwang nasasangkot sa mga pamamaril sa iba't ibang bahagi ng bansa sa mga tinaguriang extra-judicial killings na itinatanggi naman ng pamahalaan.
Wala pang grupong nagsasabing sila ang may kagagawan ng pamamaril at pagpatay.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |