|
||||||||
|
||
Martial Law magtatagal pa ng isang taon sa Mindanao
SENATE PRESIDENT PIMENTEL III AT SPEAKER ALVAREZ, NAG-UUSAP SA SESYON HINGGIL SA MARTIAL LAW. Makikita ang dalawang pinuno ng kapulungan ng Kongreso samantalang isinasagawa ang pagtalakay sa kahilingan ni Pangulong Duterte ng isang taong extension ng martial law sa Mindanao. (SENATE PRIB Photo)
HINDI MATANGGAP NI PANGULONG DUTERTE ANG KONTRA SA KANYA. Naninwala si dating Member of Parliament Atty. Homobono Adaza na nais ni Pangulong Duterte na walang kokontra sa kanya. (Melo M. Acuna)
PUMASA sa joint session ng Senado at Mababang Kapulungan ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan siya ng isang taon upang ipatupad ang Martial Law sa Mindanao.
Sa botong 240 pabor at 27 kontra, nakapasa ang kahilingan tatlong linggo bago mapawalang-saysay ang unang extension na magtatapos sa huling araw ng Disyembre.
Magugunitang noong nakalipas na ika-22 ng Hulyo, nakapasa rin sa joint session ng Senado at Kongreso ang kahilingang bigyan pa ng sapat na panahon ang pagpapatupad ng martial law sa Mindanao matapos salakayin ng mga Maute ang Marawi City noong ika-23 ng Mayo.
Sa panig ng Senado, 14 ang pabor samantalang apat ang kontra. Sa House of Representatives, 226 ang pabor samantalang 23 ang kontra.
Dumalo sa joint session sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, PNP Director General Ronald Dela Rosa, AFP Chief of Staff General Rey Guerrero, Executive Secretary Salvador Medialdea at ang kanyang deputy na si Menardo Guevarra.
May mga kabilang din sa gabinete na dumalo sa pagdinig. Ipinaliwanag ni Secretary Lorenzana na hindi pa natatapos ang paghihimagsik ng mga terorista kahit pa deklarado na ni Pangulong Duterte na ligtas na ang Marawi City. Lumipat lamang umano ang mga armado at naghihintay ng sapat na panahon.
Sa kanyang liham sa kongreso, sinabi ni Pangulong Duterte na mayroon pang panganib mula sa mga terorista at mga komunistang armado.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi nina dating Bayan Muna party list congressman Neri Colmenares, dating Defense Secretary Norberto Gonzales at dating Member of Parliament Homobono Adaza na nais lamang mapatibay ni G. Duterte ang kanyang pagkakahawak sa poder.
Hindi umano matanggap ni Pangulong Duterte na may mga 'di sumasang-ayon sa kanyang mga ginagawa sa bansa at sa pamahalaan.
Naniniwala din si Jigs Clamar, secretary-general ng Karapatan na madaragdagan pa ang mga paglabag sa Karapatang Pangtao sa pagpapatagal ng pagpapatupad ng Martial Law.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |