|
||||||||
|
||
National Identification system, pakikinabangan ng nakararami
MAKATITIYAK na mapaglilingkurang higit ng pamahalaan ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng national identification system. Ito ang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia sa isang pahayag.
Sinabi niyang nakapasa na sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas at nakapasa na rin sa ikalawang pagbasa ng Senado ang kaakibat na panukalang batas upang higit na mapalapit sa mamamayan ang pribado at pangpublikong serbisyo.
May pag-aaral ang World Bank na pinamagatang ID for Development na nagsasabing kahit maraming mga identification card ang mga Filipino, 14 na porsiyento ng mga Filipino ang walang government o financial services dahilan sa kakulangan ng mga dokumento.
Maganda man ang mga programa ng pamahalaan, 'di rin ito mapakinabangan ng mga mamamayan dahil sa kawalan ng identification card, dagdag pa ni Secretary Pernia.
Karaniwang ginagamit ng mga Filipino bilang dagdag sa kanilang birth certificate at voter's ID at ang pasaporte. Mas malaki umano ang magagastos ng mga Filipino kung ihahambing sa ginagastos ng mga taga-Thailand at Indonesia.
Sa pagtataya ng National Economic and Development Authority, mangangailangan ng may P 25 bilyon sa susunod na limang taon. May dalawang bilyong piso nang nakalaan para sa Philippine Statistics Authority upang magdisenyo ng sistema at bumili ng kaukulangang kagamitan mula hardware hanggang software.
Kailangan ang bagong ID upang makilala ang pinakamahihirap sa bansa upang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan sa bigat ng halaga ng mga bilihin dala ng TRAIN law.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |