|
||||||||
|
||
Pagpapahalaga sa kapayapaan, tiniyak
SINABI ni Presidential Spokesman Harry Roque na maliwanag ang pangako at panininiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paghahatid ng kapayapaan sa bansa.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Secretary Roque na iginagalang ng Malacanang ang kalayaan ng House of Representatives na nagpaabot ng isang resolusyonna nananawagan kay G. Duterte na ituloy ang pakikipag-usap sa CPP-NDA-NDFP at bigyang halaga ang Comprehensive Agreements on Social, Economic, and Political Reforms.
Pinasalamatan ni G. Roque ang mga lumagda sa resolusyon sa pagsuporta sa layunin ng pangulo ng bansa.
Nakalulungkot lamang umano na ang mga armadong guerilya ang siyang sumisira sa pag-uusap sapagkat patuloy nilang nilalabag ang mga napagkasunduan ng magkabilang-panig. Layunin umano ng mga armado na lumawak ang kanilang mga nasasakupan.
Kailangan umano ang katapatan ng mga armadong kabilang sa CPP-NPA-NDFP at kailangang tigilan ang armadong pagkilos laban sa mga sibilyan. Kailangang tigilan na rin ng mga armado ang pangingikil sa mga lehitimong nagnenegosyo sa iba't ibang bahagi ng bansa. Inulit din ni G. Roque ang kanyang panawagang isalong na ng mga armado ang kanilang mga sandata at lumahok na sa lipunan.
May mga sumusuko na umanong mga armadong kabilang sa New People's Army. Gagawin umano ng pamahalaan ang lahat upang makamtan ang kapayapaang pangmatagalan na magdudulot ng pagkakaisa at kaunlaran, dagdag pa ni G. Roque.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |