|
||||||||
|
||
20180406 Melo Acuna
|
NAKATAKDANG mag-usap sa Martes ng hapon, ika-10 ng Abril sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Hainan sa Tsina.
Magaganap ito matapos ang plenaryo ng Boao Forum for Asia na magkakaroon ng plenaryo sa Martes ng umaga.
Sa isang briefing sa Malacanang, sinabi ni Foreigjn Undersecretary Manuel Teehankee na paguusapan ng dalawang lider ang mga paraan upang higit na mapatibay ang pagtutulungan ng mga bansa sa larangan ng pagsugpo sa "violent extremism," terorismo at maging ang paglabas at pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga sa Tsina at Pilipinas.
Ang "bilateral meeting" ay kasunod ng naunang pag-uusap nina Foreign Secretary Alan Peter Cayetano at Chinese Foreign Minister Wang Yi.
Magsasalita rin si Pangulong Duterte sa Plenaryo ng Boao Forum for Asia. Magugunigang itinatag ito noong 1998 sa pamamagitan nina noo'y Pangulong Fidel V. Ramos, Australian Prime Minister Bob Hawke at Japanese Prime Minister Morihiro Hosokawa. Inilunsad ito noong 2001 na mayroong 26 na kasaping bansa at ngayo'y mayroon nang 29.
Nakatakda ring magsalita ang mga pinuno ng Austria, Mongolia, Pakistan, Singapore at maging The Netherlands. Magsasalita rin si UN Secretary General Antònio Guterres at International Monetary Fund managing director Christine Lagarde.
Maglalakbay din si Pangulong Duterte patungong Hong Kong at makikipagusap sa mga manggagawang naroon. Babalik siya sa Pilipinas sa Huwebes, ika-12 ng Abril.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |